Showbiz News

Donita Nose, Boobay nagpahayag ng suporta para kay Super Tekla

Ginamit ni Donita Nose ang YouTube channel nila ni Super Tekla upang ipaabot sa kanilang mga manonood at supporters ang kanyang nalalaman tungkol sa mga akusasyong inilabas ng live-in partner nitong si Michelle Bana-ag.

Nitong Miyerkules, October 21, sinagot ni Super Tekla ang mga paratang ni Michelle laban sa kanya.

Inireklamo kasi ang komedyante dahil sa diumano'y kabastusan nito at kapabayaan bilang isang magulang at partner.

Ngunit bago pa man madepensahan ni Tekla ang sarili laban sa mga akusasyon sa kanya, ipinagtanggol na siya ng kanyang kaibigan at katrabaho na si Donita Nose.

Nag-live vlog si Donita Nose mag-isa sa kanilang YouTube channel upang humingi ng paumanhin at pang-unawa sa kanilang mga manonood dahil sa nakakalungkot at nakakagulat na balita.

Wika ni Donita Nose, “Alam ko pong masama 'yung loob niyo,sa tingin niyo po hindi po tama 'yung ginawa ni Tekla pero sana po 'wag po tayo agad magja-judge sa tao.

"Kung meron siyang nagawa, antayin natin siyang magpaliwanag.

"Antayin nating lumabas sa bibig niya kung ano ba 'yung ginawa niya, kung ano talaga 'yung nangyari.”

Ikinuwento rin niya ang kanyang nalalaman tungkol sa relasyon nina Super Tekla at Michelle.

Aniya, “Ako, personally, kilala ko si Tekla, matagal na. Alam ko po 'yung ugali niya. Si Michelle, 'yung ka-partner niya, matagal ko na rin pong kilala.”

Ilang taon na raw magka-live in ang dalawa, at pag-amin din ni Donita ay tutol siya sa pagsasama nito.

Ngunit kahit ano raw ang kanyang sabihin ay hindi siya pinapakinggan at sinusunod ni Tekla.

Patuloy niya, “Ang problema kay Tekla noon, sinabi ko na sa kanya noon pa na, 'Sana hiwalayan mo na. 'Wag ka nang mag-stay dyan kasi hindi ka makakaiwas sa bisyo mo kung 'yung partner mo is ganyan din. Maghahatakan kayong dalawa. Magsasabay talaga kayo.”

Dagdag din niya, “Gusto ko siyang maging okay, pero hindi talaga nangyayari kasi nga mahal naman niya kasi talaga. Mahal niya talaga 'yung babae.”

Hindi rin umano lingid sa kaalaman ni Donita Nose na may problema si Super Tekla sa kanyang karelasyon ngayon.

Kaya naman, hindi na rin daw nakagugulat kung inilabas ang video laban sa komedyante gawa ng ibang kadahilanan.

Pahayag niya, “Ngayon, so itong kinakasama niya, sabi ko nga nung nagreklamo na parang... Kung ganun talaga ugali ni Tekla at hindi mo gusto at ayaw mo nang ginagawa sa'yo 'yun, isang linggo, dalawang linggo, isang buwan, dalawang buwan, makipaghiwalay ka na, di ba?

"Kasi ayaw mo, e, 'di ba, na gaganunin ka nung lalaki, ng ka-partner mo?

"Pero hindi, umabot na po sila ng taon. Taon. Four years, three years to four years bago mo ma-realize na parang ganito-ganyan 'yung partner mo?"

Nanindigan din siyang planted ang video na inilabas ni Michelle upang siraan si Super Tekla.

Patuloy niya, “Parang sinadya 'yung pagbi-video, parang tinayming talaga nila, na parang nagagalit na si Tekla, nag-away na sila, ganun na 'yung sagutan nila, ganyan na.

"Kasi kung raw, ibig sabihin ng raw na parang wala sa plano, biglaan lang, ganito, ganyan, malalaman naman natin 'yun, e, na parang, 'Ay, hindi sinadya 'tong pagbi-video.'

"Pero doon po kasi talagang highlights. Alam niyo 'yun, 'yung highlights ng video nila, 'yun 'yung away nila kaya nakapagsalita si Tekla ng ganun."

Depensa laban sa mga akusasyon kay Tekla

Malalim na raw ang pinagsamahan nina Donita Nose at Super Tekla kaya't kilala niya raw ito.

Nasaksihan din niya ang mga pinagdaanan ng kapwa komedyante.

Kahit naging malapit sila ay hindi raw niya kukunsintihin kung may mali nitong ginagawa.

Gayunpaman, naniniwala si Donita Nose na hindi magagawa ni Super Tekla ang mga akusasyon laban sa kanya.

Sambit niya, “'Tsaka tinanong ko si Tekla kung ginawa niya 'yun, kung tinalsikan niya 'yung bata…

"Hindi po totoo. Kahit ako mumurahin ko si Super Tekla, kahit sampalin ko siya kung ginawa niya 'yun sa anak niya.

"Maniwala kayo sa akin dahil ako mismo ayaw ko ng ganun."

Pinabulaan din niya ang pagiging pabayang ama ni Super Tekla, sa halip sinabi niyang may pagkukulang din si Michelle sa kanilang anak.

Nitong June ay isinilang si baby Angelo na may anorectal malformation o walang butas ang puwit.

Pahayag ni Donita tungkol sa sanhi nito, “Dahil nga po, habang nga po pinagbubuntis, e, sabi ni Tekla, umaano pa rin itong babae, 'di ba, nagbibisyo pa rin kaya nagkaroon ng komplikasyon.”

Bigay-diin din niyang ginawa ni Super Tekla ang lahat upang matulungan at mailigtas ang kanyang anak.

Ani Donita Nose, “Si Tekla po noong 'yung anak niya ay nasa mahirap na sitwasyon, ginawa niya lahat bilang tatay. Humingi ng tulong. Alam niyo po 'yan, nagla-live siya, umiiyak siya sa sasakyan na 'yung anak niya ganito, sana prayers, 'Prayers sa anak ko. Tulungan niyo po.'

"Mga pinansyal, kung kani-kanino siya humingi ng tulong, humingi ng ganito, ganyan, so alam naman po natin na talagang ginawan ng paraan ni Tekla 'di ba bilang ama kasi gusto niyang mabuhay 'yung anak niya.”

Bago matapos ang kanyang vlog, hiniling n'ya na sana matapos na ang isyu at itigil na rin ang pamba-bash kay Super Tekla.

“Ang gusto ko lang is matapos ang isyu na 'to, maging okay, mapakinggan niyo 'yung side ni Tekla, maging okay silang dalawa.

"Kung 'di naman sila na talaga magkakaayos at magkakabalikan, okay lang.

"Maghiwalay nang maayos at huwag kalimutan 'yung responsibilidad nila pareho bilang magulang 'di ba.”

Mensahe rin ni Donita Nose sa kanilang subscribers, “At sa mga ka-Tandem namin na sumusuporta pa rin sa amin at nagmamahal, maraming-maraming salamat po at hindi kayo bumibitaw.

"Lahat naman tayo nagkakamali, e, walang perpekto.

"So i-wish natin sila na maging okay na po ito, matapos na po ito at higit sa lahat, maliwanagan na po tayong lahat at maging malinaw na ang isyu na ito.”

Panoorin ang kabuuan ng kanyang vlog dito:

Samantala, nagbigay rin ng pahayag ang komedyanteng si Boobay tungkol sa kinasasangkutang issue ng kanyang malapit na kaibigan at co-host sa The Boobay and Tekla Show.

Aniya, "Basta po Kay Tekla po ako naniniwala, at alam ko kung gaano n'ya kamahal lalo na ang kanyang sanggol na anak na si Angelo.

"Nakita naming mga kasamahan niya sa TBATS at All Out Sundays kung paano siya nagsikap para mailigtas ang kanyang live-in partner sa kanyang panganganak pati na rin ang kanyang bunsong si Angelo sa pinagdaanan nitong pagsubok."