Showbiz News

Psychics na sina Mamu at Jay Costura, nagbunyag ng mga umano'y pangitain bago matapos ang 2020

By Dianara Alegre

Maraming sakuna at kalamidad ang humagupit sa bansa ngayong 2020 at kasama umano ang mga ito sa prediksyon ng pyshic na si Hayi “Mamu” Cruz na nasa likod ng Facebook page na Mamus Rare Premonitions at ng tinaguriang “Nostradamus” ng social media na si Jay Costura.

Upang bigyan ng babala ang publiko para sa mga maaari pang kaharapin ng bansa bago matapos ang kasalukuyang taon, nagbunyag ng ilang pangitain ang naturang psychics sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS).

Hindi umano nila intensyong manakot bagkus ay bigyan lamang ng babala ang publiko na kailangan ng ibayong pag-iingat at paghahanda.

Ayon kay Mamu, nakita niya sa kanyang pangitan na muling sasabok ang Bulkang Taal.

“Nakita ko 'to before mag-November kaya lang hindi ko siya ini-post kasi ayoko ring magkaroon ng takot ang mga tao. Namamaga 'yung ilalim niya. Bubuka lahat at du'n maglalabas ng putik. Sasabog siya bago siya matulog ulit nang mahimbing,” prediksyon ni Mamu.

“'Yung tungkol sa pagsabog uli ng Mt. Taal, mas malala siya kaysa nu'ng nakaraang January. Ang pagsabog niya sa kadiliman posibleng sa una o ikalawang linggo ng December,” dagdag pa niya.

Nakikita rin niya umano na may magaganap na digmaan, malakas na lindol, at malawakang pagbaha na maaari namang maganap sa susunod na taon.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Jay ang kanyang opinyon at pakahulugan sa taong 2020.

“'Pag nagkakaroon ako ng warning sign regarding sa mga kalamidad, parang nandoon ako sa eksena. Marami kasing hindi nakakapansin, ang 2020 is kambal na numero. Magkaiba ang ugali. Delikado talaga siya.

“At kung mapapansin n'yo, zero, madami ang nawalan ng kabuhayan, businesses nagsarado, madami ang nawalan ng buhay,” pahayag ni Jay.

Dagdag pa niya, nakita niya umano sa kanyang pangitain na may "bolang nag-aapoy ang babagsak."

“May ipinakita sa akin na isang babala. Isang bolang nag-aapoy, babagsak. Hindi siya direktang tatama,” aniya.

Gayunman, may magagandang mangyayari naman umano pagpasok ng taong 2021. Kabilang na rito ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa, pagsigla ng turismo, at pagkakaroon umano ng COVID-19 vaccine.

“Malaki ang posibilidad na tayo ay aangat dahil ang 2021 ay bagong panimula. May number one siya sa dulo,” lahad ni Jay.

Panoorin ang espesyal na pagtatampok ng Kapuso Mo, Jessica Soho sa mga psychic na sina Mamu at Jay Costura sa video sa itaas.

Kung 'di naglo-load nang maayos ang video, maaari itong panoorin DITO.