
Sa nakalipas na taon ay maraming kwentong itinampok sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) ang nakapukaw ng atensyon, nagbigay-impormasyon, at naging inspirasyon sa publiko.
Bago tuluyang mamaalam sa taong 2020, balikan ang ilan sa mga nag-viral na istorya sa KMJS.
Nangunguna rito ang unang pasabog ng nakalipas na taon, ang pagputok ng Bulkang Taal sa Batangas.
Tampok sa episode na ito ang kuwento ng mga turistang sina Denise Bernardo, Michella Domenici, at John Horner na noon ay ilang metro lang ang layo sa crater ng bulkan nang bigla itong magbuga ng usok at sumabog.
Mabuti na lamang at mabilis nilang napansin na hindi na normal ang volcanic activity ng Mt. Taal at agad silang nakalikas sa lugar.
Sumunod dito ang madamdaming panayam ng aktres at TV host na si Ruby Rodriguez kaugnay ng pagkamatay ng kanyang kapatid na si Dr. Salvacion “Sally” Gatchalian, presidente ng Philippine Pediatric Society at Assistant Director sa Researh Institute for Tropical Medicine (RITM), dulot ng COVID-19.
Siya ang ika-siyam na doktor sa Pilipinas na binawian ng buhay dahil sa COVID-19.
Naging inspirasyon din sa marami, lalo na sa mga patuloy na lumalaban at lumaban sa COVID-19 ang istorya ni Arnel de Pano, isang COVID-19 survivor, ang composer ng awiting “Lead Me Lord.”
Bago ilabas sa ospital matapos itong ideklarang COVID-19-free, hinandugan ng medical frontliners si Arnel ng kanta at inawit ng mga ito ang sarili niyang katha.
Pinag-usapan din ang istorya ng dambuhalang sawa sa Aurora Province na namumuntirya ng mga alagang hayop kabilang na ang mga manok at baboy.
Ang inatakeng baboy ay alaga ng mag-asawang Nesie at Armado Gotam. Dahil hindi lamang isang beses na nangyari ang pag-atake, ginalugad ng mag-asawa ang paligid ng kanilang piggery hanggang sa kanilang madiskubre ang lumobong 13 feet na sawa.
Ang dahilan ng paglobo ng na sawa ay paglulon nito sa isang buong baboy.
Pumatok din sa masa ay ang umano'y disco ng mga engkanto sa bayan ng San Isidro sa Bohol.
Ayon sa mga residente sa lugar, palagi silang may naririnig na tunog ng tambol bagamat wala namang disco o beer house rito. Malakas daw ang tunog at maririnig ng apat hanggang limang barangay.
Ang itinuturong pinagmulan ng kakaibang tunog ay ang Barangay Caimbang partikular na sa Kilab-Kilab falls na matatagpuan sa masukal na kagubatan ng lugar.
Ang hinala ng ilan, nagsimula ang mga naririnig na pagtatambol ilang araw makaraang may babaeng malunod at bawian ng buhay sa talon.
Pasok din sa listahan ang kwento ni Junmark Enon, 18-anyos, na taga Camarines Sur na ilang taong nalugmok sa kanyang higaan dahil sa sakit niyang leprosy. Dahil dito, ang kanyang mga binti at paa, na nagkasugat-sugat na rin, ay kinakailangan nang putulin.
Matapos ang operasyon ay naging maalwan na kaysa dati ang kalagayan ni Junmark. Bukod dito, nakatanggap din siya ng mga donasyon na ginamit ng pamilya niya para magpatayo ng bahay.
Kinapulutan din ng inspirasyon ang kwento ni Remie. Nagtrabaho siya bilang kasambahay ng isang American family na pansamantalang nanirahan sa Pilipinas. Makalipas ang ilang taon ay kinailangan ng pamilyang bumalik sa Amerika, hudyat na tapos na ang responsibilidad ni Remie sa kanila.
Makalipas ang halos apat na dekada, hinanap si Remie ng mga ito para magpasalamat at pagbakasyunin kasama sila sa Guam.
Narito pa ang ilan sa mga nakamamangha, nakapangingilabot, nakatutuwa, at nakatatakot na mga istoryang nag-viral na istorya sa KMJS sa nakalipas na taon.