Showbiz News

Boys Over Flowers: Puputulin na ni Jan-di ang anumang koneksyon niya kay Jun-pyo

By Dianara Alegre

Alam ni Gu Jun-pyo ang maaari at kayang gawin ng nanay niyang si Kang Hee Soo, ang presidente ng ang Shinhwa Group na isa sa pinakamalaking conglomerate sa South Korea.

Kaya hiningi niya ang tulong ng best friend niyang si Yoon Ji-hu at ng iba pang miyembro ng F4 para protektahan ang girlfriend niyang si Geum Jan-di.

Hindi tanggap ni Hee-soo ang relasyon ng anak niya kay Jan-di kaya gagawin nito ang lahat para lamang paghiwalayin sila kahit pa ang kapalit nito ay malaking halaga ng pera.

Pero kahit na ganoon ang sitwasyon, ipaglalaban ni Jun-pyo ang nararamdaman niya para kay Jan-di.

Tuluy-tuloy pa rin ang ginagawang efforts ni Jun-pyo para magkasama sila ni Jan-di.

Pero dahil busy si Jan-di sa ilan niyang part time jobs ay palagi itong tumatanggi kay Jun-pyo.

Hindi gaya ni Jun-pyo, walang problema sa pera si Jun-pyo.

Si Jan-di at kanyang pamilya naman ay walang maipangtutustos sa pangangailangan nila sa oras na tumigil sila sa pagtatrabaho.

Iba't ibang klase na ng trabaho ang pinasok ni Jan-di para kumite gaya ng pagde-deliver ng gatas at diyaryo, pagtatrabaho sa gasolinahan, at pagiging modelo para sa isang magazine.

Lingid itong lahat sa kaalaman ni Jun-pyo at umabot pa sa puntong mas pinili ng dalagang magsinungaling sa binata para may dahilan siyang tumanggi sa date.

Pinasok ni Jan-di ang raket na pagmomodelo sa tulong ng bagong kaibigan niyang si Je-ha.

Si Jeha ay sikat din sa Shinhwa dahil sa kanyang good looks at pagiging model.

Pinagkakaguluhan din siya ng mga kababaihan sa school nila kaya gayon na lamang ang galit at selos ng schoolmates niya sa kanya nang makitang kasama ni Jan-di ang binata.

Sila rin ang nagsabi kay Jun-pyo ng bagay na ito at nagbigay ng kopya ng magazine rito.

Nagulat ang leader ng F4 sa nakita at nanggagalaiti nitong pinuntahan si Jan-di.

Nagkataong magkasama sina Jan-di at Je-ha nang puntahan ni Jun-pyo ang girlfriend niya.

Dahil sa temper ni Jun-pyo ay hindi niya napigilang bugbugin sa harap ni Jan-di si Je-ha.

Hindi naman akalain ni Jan-di na magiging ganoon ang reaksyon ni Jun-pyo.

Nagkasagutan sila at nagdesisyon si Jan-di na makipaghiwalay na nang tuluyan sa binata.

Ayon kay Jan-di, napapagod na siya sa relasyon nila ni Jun-pyo at gusto niyang bumalik sa panahong hindi pa niya nakikilala ang F4.

Dahil dito, si Jan-di na naman ang naging target ng pambu-bully sa school.

Subaybayan ang Boys Over Flowers mula Lunes hanggang Biyernes, 8:45 ng gabi, sa GMA News TV!

Samantala, kilalanin ang cast ng Boys Over Flowers sa gallery na ito: