Showbiz News

Love triangle sa 'First Yaya,' malayo sa karaniwang agawan sa serye

By Dianara Alegre

Nagsimula nang ipalabas ang highly-anticipated series na First Yaya, tampok ang Kapuso stars na sina Sanya Lopez at Gabby Concepcion, kagabi, March 15.

Bukod sa ito ang first title role ni Sanya, ito rin ang unang romantic-comedy series na pinagbidahan niya.

Kaya dapat daw abangan ng viewers ang side ng aktres na kwela at makulit, kabaligtaran ng heavy roles na ginampanan niya noon.

Source: sanyalopez (Instagram)

“First time ko po magkaroon ng rom-com at I'm very happy dahil dito ng apo sa First Yaya maipapakita ko 'yung ganitong side pala ni Sanya Lopez, na marunong pala siyang mag-rom-com.

"Of course, with the help of Mr. Gabby Concepcion and the other cast and our director po na napakagaling, Direk LA Madridejos,” ani Sanya nang makapanayam ng 24 Oras.

Kahit na rom-com series, hindi raw gaanong magpapatawa rito si Gabby, na gumaganap bilang Presidente ng Pilipinas, dahil na kay Sanya, gumaganap sa role ni Yaya Melody, at sa mga kasama nito ang focus ang comedy.

“Ang maganda sa mga projects na mga rom-com na ginaganap ko is situational.

"Hindi ako ang kailangang gumawa ng comedy, hindi naman siya slapstick, hindi malalaki ang movements maliliit lang. Mostly ang comedy na kay Melody at mga iba niyang kasama,” aniya.

Source: magnopancho (Instagram)

Magdadagdag naman ng kulay sa serye ang love triangle sa pagitan ng karakter nina Sanya, Gabby, at Pancho Magno, na gaganap bilang si Conrad na miyembro ng Presidential Security Group.

Ayon sa kanila, hindi ito ang karaniwang love triangle na napapanood sa telebisyon na puno ng sakitan, batuhan ng masasakit na salita, at pisikalan.

“Hindi dahil may mga ganitong eksena, laging ganun ang nangyayari. Meron namang mga mangyayari na nadadaan sa usap. 'Yung iba patama,” lahad ni Sanya.

Dagdag pa ni Pancho, “Hindi ganung love triangle 'to, e. Talagang pure love.”

Bukod kina Sanya, Gabby, at Pancho, kasama rin sa cast ng serye sina Cassy Legaspi, Joaquin Domagoso, Maxine Medina, Kakai Bautista, Gardo Versoza, Jon Lucas, Cai Cortez, Rechie Del Carmen, Pilar Pilapil, Sandy Andolong, Glenda Garcia, Analyn Barro, Anjo Damiles, Jerick Dolormente, Jenzel Angeles, Clarence Delgado, Patricia Coma, Thou Reyes, at iba pa.

Mapapanood ang First Yaya Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng 24 Oras, sa GMA 7, GTV, at Heart of Asia (HOA).

Silipin ang mga kaganapan sa pilot taping ng 'First Yaya' sa gallery na ito:

Related content:

'First Yaya,' 'di lang puro kilig at drama, action-packed din!

Gabby Concepcion praises Sanya Lopez: "Hindi siya pasosyal"