Showbiz News

Kim So-yeon, intense acting ang ipamamalas bilang si Scarlet sa 'The Penthouse'

By Dianara Alegre

Ang award-winning South Korean actress na si Kim So-yeon ang isa sa mga pinaka dapat abangan sa hit K-drama na The Penthouse.

Tampok sa The Penthouse ang mayayamang pamilyang nakatira sa 100-floored luxury apartment, ang Hera Palace. Marami ang nag-aasam na tumira sa marangyang apartment dahil bukod sa magandang amenities nito, dito rin nakabatay kung gaano kalakas ang impluwensiya sa lipunan ng residente.

Iikot ang istorya sa ambisyon ng mga karakter na maipasok ang kanilang mga anak sa prestihiyosong school for arts, ang Cheong-ah Arts School. Gagawin nila ang lahat para matulungang makapasok ang mga ito sa pinapangarap na eskuwelahan kahit pa sa hindi patas na laban.

Source: sysysy1102 (Instagram)

Gaganap si Kim So-yeon sa serye bilang si Scarlet, isang sikat na opera singer na ambisyong maging angat sa lahat. Siya, asawa nitong si Anton (Yoon Jong-hoon) , at anak na si Camille (Choi Ye-bin) ang isa sa mga pamilyang nakatira sa Hera Palace.

Ang mga pamilyang nakatira rito ang itinuturing na pinakilala at pinakamayamang pamilya kaya ganoon na lamang ang ambisyon ng mga tao na makatira sa marangyang apartment.

Para matupad ang mga binabalak na tingalain sa Hera Palace at kilalaning mahusay na opera singer ang anak niyang si Camille, gagamitin niya ang angking ganda at impluwensiya para masunod ang lahat ng plano niya.

Nais ni Scarlet na sundan ni Camille ang yapak niya dahil bukod sa malaking pribilehiyo, pamilya nila ang nagpapatakbo ng Cheong-ah Arts School, ang prestihiyosong arts school sa Seoul.

Matindi nag kumpetisyon para makapasok sa naturang eskwelahan at marami ang nag-aasam na makapasok dito. Ngunit hindi talento lamang sa pag-awit ang nagiging basehan ng pagtanggap ng mga estudyante rito, kasama na riyan ang yaman, impluwensiya, at pulitika.

Source: GMA Heart of Asia Facebook page

Pero hindi magiging madali para sa kanya ang lahat dahil sa multo ng kanyang nakaraan at matinding karibal na si Cindy (Eugene.)

Hanggang saan ang kayang gawin at isakripisyo ni Scarlet para sa kapangyarihan, edukasyon, at ambisyon?

Abangan si Kim So-yeon bilang si Scarlet sa The Penthouse, malapit na sa GMA!

Kilalanin ang powerhouse cast ng The Penthouse sa gallery na ito: