Showbiz News

Award-winning actress na si Eugene, gaganap bilang si Cindy sa 'The Penthouse'

By Dianara Alegre

Ang award-winning South Korean actress na si Eugene ang bibida sa isa sa mga pinagkakaguluhuang drama series sa kasalukuyan, ang The Penthouse.

Siya ang gaganap sa karakter ni Cindy Oh, ang babaeng tinanggalan ng karapatan ng mga taong hindi magpapatalo sa ngalan ng pangalan, ambisyon, at kapangyarihan.

Tampok sa The Penthouse ang mayayamang pamilyang nakatira sa 100-floor luxury apartment, ang Hera Palace. Marami ang nag-aasam na tumira sa marangyang apartment dahil bukod sa magandang amenities nito, dito rin nakabatay kung gaano kalakas ang impluwensiya ng isang residente sa lipunan.

Iikot ang istorya sa ambisyon ng mga karakter na maipasok ang kanilang mga anak sa prestihiyosong school for the arts, ang Cheong-ah Arts School. Gagawin nila ang lahat para matulungang makapasok ang mga ito sa pinapangarap na eskweklahan kahit sa hindi patas na paraan.

Source: eugene810303 (Instagram)

Bagamat hindi nakatira sa Hera Palace si Cindy at ang anak niyang Rona, na gagampanan ni Kim Hyun-soo, gagawin niya ang lahat para lamang mapabilang sa mga pamilyang tinitingala sa naturang luxury apartment.

Simple lamang ang buhay ni Cindy ngunit matayog ang kanyang pangarap para sa kanyang anak, at ayaw niyang mangyari kay Rona ang sinapit niya noong estudyante pa lamang siya.

Source: eugene810303 (Instagram)

Si Cindy ang pinakamagaling na soprano singer sa Cheong-ah Arts School pero dahil galing lamang sa payak na pamilya, hindi talento ng kapwa mga estudyante at aspiring opera singer ang kanyang naging kalaban, kundi ang kapangyarihan at impluwensiya.

Ang mahigpit niyang naging karibal sa prestihiyosong eskwelahan ay si Scarlet, ang anak ng director ng Cheong-ah Arts School.

Tinangka niyang ituwid ang tama at kunin ang dapat ay nararapat sa kanya ngunit nabigo siya dahil wala siyang laban sa pamilya ni Scarlet.

Ngayong mga pangarap at talento na rin ni Rona ang nakasalalay, ano ang mga kayang gawin para masigurong hindi maranasan ng anak ang kanyang mga pinagdaanan?

Abangan si Eugene bilang si Cindy sa The Penthouse, mapanonood na simula Lunes, April 26, sa GMA!

Samantala, kilalanin ang powerhouse cast ng The Penthouse sa gallery na ito: