Showbiz News

GMA News and Public Affairs, nilinaw na 'di empleyado ang lalaking binigyan ng ayuda ni Angel Locsin

By Dianara Alegre

Nilinaw ng GMA News and Public Affairs na hindi nila empleyado ang lalaking inabutan ng ayuda ng aktres na si Angel Locsin sa kasagsagan ng pagdumog ng publiko sa community pantry, na binuksan niya kahapon, April 23, sa Quezon City.

Ito ay matapos kumalat ng larawan at video na may iniabot si Angel sa isang lalaking nakasuot ng ID lanyard na may "GMA Network."

Kaugnay nito ang paratang na reporter umano ng GMA News and Public Affairs ang inabutan ng ayuda ng aktres.

Source: therealangellocsin (Instagram)

“Kaugnay po ng community pantry na itinayo ni Angel Locsin, meron pong mga nagpost sa social media ng larawan at video ng aktres na may iniabot sa isang lalaking may ID lanyard ng GMA Network,” nakasaad sa opisyal na pahayag.

“Ang naturang lalaki ay dati umanong make-up artist ni Angel nang sa GMA Network pa ito nagtatrabaho at hindi isang reporter.

“Ang nasabing lalaki ay hindi po bahagi ng GMA News and Public Affairs coverage team. Siya ay isang talent make-up artist ng isang programa ng GMA. Wala pong koneksyon ang GMA sa kaniyang pagpunta sa lugar.

Kinumpirma ng fiancé ni Angel sa isang post na ang lalaki ay dating make-up artist ni Angel nang si Angel ay nasa GMA pa,” saad sa pahayag.

Sa pamamagitan naman ng Facebook post, inalmahan ng fiancé ni Angel na si Neil Arce ang maling balitang kumakalat sa social media.

Aniya, “People are claiming inabutan daw ni Angel yung reporters. Make up artist po niya yun sa GMA. Where do these people get their news?!”

Samantala, bilang selebrasyon sa kanyang 36th birthday ay nagdesisyon si Angel na magbukas ng community pantry na inspired sa initiative ni Ana Patricia Non.

Bago ang araw ng pagbubukas, inanunsiyo niya sa social media na bukas para sa lahat ang kanyang community pantry, ngunit hindi inasahan ni Angel at ng kanyang team na dudumugin ito ng publiko.

Bukod dito, isang senior citizen din ang nahimatay at kalauna'y pumanaw matapos pumila sa community pantry.

Dahil dito, humingi ng paumanhin si Angel sa pamilya ng biktima, gayundin sa publiko.

"Bago po ang lahat, humihingi po ako ng tawad sa pamilya. Kanina po pinuntahan at nakapagusap po kami ng personal ng mga anak niya sa ospital. At habang buhay po ako hihingi ng patawad sa kanila," aniya.

"Si tatay po ay isang masipag na ama na nagtitinda ng balut. Hindi ko man po siya nakilala pero sa pagkakakilala ko sa mga anak niya ay mabuti po siyang ama at maayos niyang napalaki ang mga anak nya," aniya pa.

Dahil dito, umaasa si Angel na huwag madamay ang ibang community pantries na itinayo sa iba't ibang bahagi ng bansa at naglalayon lamang na makatulong sa kapwa.

"Ang nangyari po ay akin pong pagkakamali.

"Sana po'y wag madamay ang ibang community pantries na maganda po ang nangyari.

"Sa ngayon po, I will prioritize helping the family and I will make it my responsibility to help them get through this," lahad niya.

Samantala, narito ang ilang pang celebrities na nakilahok sa community pantries: