Showbiz News

Andrea Torres on being single: 'Mas may focus ako sa sarili ko'

By Jansen Ramos

Five months nang single si Andrea Torres matapos ang breakup nila ng kanyang The Better Woman leading man na si Derek Ramsay.

Sa ngayon, ayon kay Andrea, mas may peace of mind na siya at naka-focus na lang sa mga blessing at nangyayari sa buhay niya ngayon.

Saad niya, "Actually, wala naman pinagkaiba kung ano ako no'ng single at kung ano ako no'ng nasa isang relationship ako.

"I'm still the same person. It's just now mas may focus na ko sa sarili ko. I'm trying new things para mas makilala mo rin 'yung sarili mo.

"Baka meron pang mga hobbies na hindi pa na-e-explore."

Nakatulong pa raw ang pagiging single niya para makapag-focus siya sa kanyang personal goals.

"Palagi naman akong may goals, 'di nawawala 'yan para, at least, kapag gumigising ka sa umaga, there's always something to look forward to, 'di ba?

"Ang goal ko ngayon talagang gusto kong magkaroon ng bahay at lupa para sa sarili ko.

"Gusto ko makapag-travel pa, gusto ko makapag-travel alone din na hindi ko pa nata-try na medyo takot akong gawin.

"And, siyempre, 'yung mga dreams ng family namin, ng parents mo o ng siblings mo, gusto mo rin maging part ng mga dreams nila. Sana mabigay ko 'yun."

Bukod pa rito, napagtutuunan daw ni Andrea ang kanyang fitness goals ngayong quarantine.

Bahagi niya, "Actually, challenging nga sa 'kin 'yung home workout kasi mahilig talaga 'ko sa environment ng gym, 'yung maraming weights.

"Gusto ko 'yung may trainer ako kasi medyo na-trauma na rin ako dati dahil meron akong maling nagawa na exercise.

"Dahil meron akong injury, ang ginawa ko, nagtingin-tingin ako ng videos sa YouTube kung ano puwede kong gawin sa bahay na workout.

"'Tapos meron din yung mga two-week challenge, three-week challenge, maganda na sumunod ka talaga sa mga gano'n kasi masasayangan ka 'pag naka-miss ka ng day kasi 'yung progress mo ando'n na, e.

"'Pag nag-stop ka, may guilt feeling ka na baka mag-start ka na naman sa umpisa so 'di mo makuha 'yung results na sinasabi so 'yun siguro ang gawin mong panimula. Kumbaga, may susundan kang plan."

Ayon kay Andrea, madalas siyang matanong kung paano niya dini-distract ang kanyang sarili para maiwasang isipin ang breakup.

Pero paglilinaw niya, buong puso niya itong hinarap. Nakatulong din daw ang pananampalataya at pagiging positibo niya sa buhay.

Sabi niya, "You have to pray bago ang lahat para, at least, kahit anong mangyari or kahit anong ma-feel mo or kung ano ang sitwasyon na mapuntahan mo, alam mo na may mas malaking plan pa.

"Kumbaga, hindi ka magpo-focus do'n sa situation na 'yun at alam mong may mas malaking plan na nakalaan for you.

"So positive ka lang palagi. Basta 'yun ang palagi kong rule, kailangan positive lang ako lagi, ando'n lagi 'yun sa isip ko."

Ayon pa kay Andrea, mas maraming bagay pa dapat binibigyan ng pansin tulad ng kanyang bagong soap na Legal Wives.

Dahil naka-taping break ang upcoming series, ginugugol daw ng aktres ang kanyang free time sa pag-aaral sa kanyang bagong role.

Sa Legal Wives, gagampanan niya ang role ni Diane, ang Katolikong asawa ni Ishmael, na gagampanan ni Dennis Trillo.

Saad ni Andrea, "Actually, mahilig po ako manood at magbasa-basa tungkol sa [couples na magkaiba ang religion], tungkol sa mga relationships.

"Hindi lang sa couples, e, pati sa family, pati sa friends ganyan.

"So marami na rin po akong nabasa and marami na rin sa 'kin nakukuwento 'yung mga friends ko so nakatulong po 'yun para, at least, mas malaman ko 'yung pinanggagalingan ni Diane."

Sabi pa niya, "Nagbibigay ng tip sila Ms. Irma Adlawan, sila Ms. Cherie Gil 'saka si Al Tantay so ang daming learnings, kumbaga."

Wala muna raw summer plans si Andrea dahil sinusulit niya ang panahon na kasama niya ang kanyang pamilya habang naka-taping break ang Legal Wives.

Matatandaang halos isang buwan siyang nawalay sa kanyang pamilya noong unang cycle ng kanilang lock-in taping para sa GMA primetime series.

Nag-iingat din daw si Andrea kaya minarapat niyang huwag muna umalis ng bahay para sa kalusugan ng kanyang mga magulang na parehong senior citizens at nakababatang kapatid na may down syndrome.

Pahayag niya, "Ayoko muna talaga, mas gusto ko dito lang sa bahay as much as possible, just to be safe kasi, siyempre, mayroon akong mga kasamang senior tapos 'yung youngest namin PWD so dito lang sa bahay.

"More of bonding lang with the family, especially, kasi magla-lock-in pa ko sa Legal Wives na, usually, two to three weeks so susulitin ko na 'yung time na magkakasama kami."

Samantala, tulad ng qualities ng Legal Wives character niyang si Diane, nasa mindset daw ni Andrea na maging "strong woman" at isa sa mga role model niya pagdating dito ay ang Bridgerton character na si Daphne.

Na-miss ni Andrea na mag-ayos at magbihis para sa camera kaya, noong nakaraang buwan, nagkaroon siya ng thematic photoshoot na inspired sa Netflix series.

Timely naman ang isinagawang photoshoot ni Andrea dahil swak ito sa pagdiriwang ng Women's Month.


Andrea Torres on Derek Ramsay talking about their breakup

Samantala, hiningi namin ang panig ni Andrea hinggil sa huling pahayag ni Derek Ramsay tungkol sa hiwalayan nilang dalawa.

Dito, inihayag ni Andrea ang kanyang saloobin sa pagsasalita ng dating nobyo tungkol sa mga isyu sa kanilang dating relasyon na dapat ay nanatili na lang pribado.

“I don't see the significance of discussing details in public," bahagi niya.

Ayon kay Derek, nakipaghiwalay siya kay Andrea sa pamamagitan ng telepono na, aniya, ay pinagsisihan niya.

Sa parehong panayam, sinabi rin ni Derek na may kinalaman ang pamilya ni Andrea sa pakikipagkalas niya sa aktres.

Ani Andrea, taliwas sa kanyang pagkakatanda ang mga salitang binitawan ni Derek.

Gayunpaman, hindi nagbigay ng detalye ang aktres at minarapat na manahimik na lang tungkol sa kanilang breakup.

"I honestly have a different memory of what transpired and who ended it but I think it is not worth my time and energy because it will only turn into a 'he said, she said' thing.

"What good will come out of it? I have been focused on myself and what is happening in the world.

"For as long as I am at peace with God and myself and I can truly say that I have chosen to be a better person, I am fine and I have moved on. It's been months. What's the point?"

Suhestiyon pa ni Andrea, "If he truly respects me and my family, let us have our peace."

Samantala, sa huling panayam sa kanya sa The Boobay and Tekla Show, nabanggit ni Andrea na hindi pa siya handang pumasok muli sa isang relasyon.

Aniya, "Usually kasi 'pag ganito, binibigyan ko talaga ng time 'yung sarili ko para maging mag-isa. Para kapag dumating 'yung next, all out ulit.”