Showbiz News

Jessica Villarubin, napiling kumanta ng theme song ng 'Nagbabagang Luha'; may tips para sa 'The Clash' hopefuls

By Jansen Ramos

Maganda ang bukas ng taon para sa The Clash Season 3 winner na si Jessica Villarubin.

Ilang buwan matapos maiuwi ang titulo, ipinakilala ang bagong Jessica noong March 14 matapos sumailalim sa isang "beautiful transformation" sa tulong ng celebrity dermatologist na si Vicki Belo.

Kasabay nito, opisyal na inilunsad ang debut single ni Jessica na "Ako Naman" na isinulat ni Christian Bautista bilang victory song ng Cebuana singer sa The Clash.

Matapos lang ang dalawang buwan, sinorpresa ni Jessica ang kanyang fans nang ilabas niya ang second single niyang "Beautiful" sa araw mismo ng kanyang 25th birthday, May 14.

Patuloy ang pamamayagpag ng singing career ni Jessica nang mapiling kumanta ng theme song ng bagong action-fantasy series na Agimat Ng Agila kasama si Garrett Bolden.

Kasunod nito, muling napili si Jessica na kumanta ng "Walang Hanggan," ang theme song ng upcoming GMA Afternoon Prime series na Nagbabagang Luha.

Sa ipinadalang statement ni Jessica sa GMANetwork.com, aniya, "Sobrang saya ko po na ako po 'yung napili nila na kumanta ng "WALANG HANGGAN." Pangalawang beses ko na po 'tong kumanta ng theme song ng teleserye. Ang sarap lang sa feeling 'pag naririnig mo 'yung boses mo sa isang teleserye. Nagpapasalamat po ako sa tiwala na binigay po nila sa akin."

Ayon kay Jessica, "naiiyak" siya kapag kinakanta niya ang "Walang Hanggan" dahil nadadala siya sa malungkot nitong liriko.

"It's a sad song. Tungkol ito sa dalawang taong nagmamahalan na sa kalagitnaan ng kanilang pagmamahalan, naiwan 'yung isa at palagi niya tinatanong sa sarili niya bakit gano'n ang nangyari sa kanilang dalawa."

Jessica Villarubin gives tips to aspiring Clashers

Samantala, nagbigay naman ng advice si Jessica sa mga nais sumali sa ika-apat na season ng The Clash.

Kasalukuyang bukas ang online auditions para sa aspiring Clashers na natural-born Filipino citizens.

Payo ni Jessica, "Don't give up on your dreams. Always believe in yourself and your talent. Always practice and keep improving. At, siyempre, 'wag kalimutan ang magdasal palagi."

Ani pa ni Jessica, mahalaga na maging focused at confident sa pagsabak sa singing competition.

"'Yung lesson na natutunan ko is mag-focus ka talaga sa ginagawa mo, especially 'pag nasa competition ka na. Araling mabuti ang kanta at 'pag nag-perform ka na sa stage, ibigay mo na lahat ng makakaya mo. Be confident sa sarili at palaging magdasal."

Sa mga nais mag-audition, maaaring ipadala ang inyong audition piece DITO.