Showbiz News

Sassa Gurl a.k.a. Mima, mapapanood sa kanyang first 'Wish Ko Lang' episode

By Racquel Quieta

Mapapanood na sa kanyang first Wish Ko Lang episode ngayong Sabado, June 12, ang sikat na vlogger at TikTok personality na si Sassa Gurl, na kilala rin sa bansag na “Mima.”

Patok na patok ang mga videos ni Sassa Gurl sa TikTok, kung saan kasalukuyan na siyang may 88.3 million likes at 2.3 million followers.

Pinakakinagigiliwan ang kanyang mga skit kung saan iba't ibang karakter ang kadalasang ginagampanan ni Sassa Gurl.

At ngayong Sabado, sa iconic TV program na Wish Ko Lang naman magpapamalas ng galing sa pag-arte si Sassa Gurl bilang si Chikana, isa sa mga besties ng karakter ni Ruru Madrid.

Ang internet sensation na si Sassa Gurl / Photo by: Eli Aquino / John Morillo @Sassagurl (FB)

'Sakripisyo' ang pamagat ng bagong Wish Ko Lang episode ngayong Sabado kung saan gaganap si Ruru bilang Manny, isang mabait at mapagmahal na anak na tila napagbubuntungan ng galit ng kanyang Nanay Shirley (Alma Concepcion).

Bigla kasing naglaho ang ama ni Manny, kaya siya na ang mistulang tumayong padre de pamilya.

Minsan tuloy ay nasasakripisyo niya ang kanyang pag-aaral.

At sa tuwing mababa ang kanyang mga grado, napagsasalitaan siya ng masakit ng kanyang Nanay Shirley.

Buti na lamang at nandiyan at buo ang suporta ng mga kaibigan niyang sina Chikana (Sassa Gurl) at Angel (Angel Alarcon).

Sina Ruru Madrid, Angela Alarcon at Sassa Gurl sa 'Sakripisyo' episode / Source: Wish Ko Lang

Kasama rin sa 'Sakripisyo' episode ang beteranang aktres na si Chanda Romero, Sue Prado at Voltes V: Legacy actor na si Matt Lozano.

Marami na raw karanasan sa pag-arte sa teatro si Sassa Gurl noong nasa kolehiyo pa siya, ngunit ito ang acting debut ni Sassa Gurl sa Kapuso Network.

Sa isang pahayag, sinabi ni Sassa Gurl na maganda naman ang kanyang naging acting experience sa bagong Wish Ko Lang.

“Masaya mag-acting sa TV kasi feel mo ang energy, unlike sa TikTok na lately na ginagawa ko, ang hirap i-set ang mood.”

Ayon pa kay Sassa Gurl, hindi raw siya masyadong na-intimidate sa kanyang mga co-stars at maganda naman raw ang naging pakikitungo nila sa kanya.

“Hindi masyado kasi napakafriendly nila, lalo na si Angela. Siya pinaka naka-close ko.

“Pero lahat ng cast mabait, even the crew, lahat nakakatuwa.

“Chill and hindi nakaka-pressure, pero alam mong passionate.”

Itinuturing daw niyang “achievement unlocked” and pagkakasama niya sa 'Sakripisyo' episode ng Wish Ko Lang.

“Very happy na naka-unlock na naman ako ng new experience. I'm so happy na nakita ko na ang mundo ng production.

“Na-appreciate ko ang trabaho from behind the scenes and on-cam.”

Ayon pa kay Sassa Gurl, naantig daw siya sa nangyari sa karakter ni Ruru sa 'Sakripisyo' episode.

“Naawa ako sa character kaya naiyak na din ako sa eksena ko. Nakakalungkot yung nangyari sa bida.”

Abangan ang first guest appearance ni Sassa Gurl sa 'Sakripisyo' episode ng bagong Wish Ko Langngayong Sabado, alas-4 ng hapon sa GMA-7.

Alamin kung sino pa ang ibang mga online celebrities na pumasok sa showbiz sa gallery na ito.