Showbiz News

Rudy Baldwin, may pitong pangitain para sa natitirang limang buwan ng 2021

By Aimee Anoc

Bagyo, lindol, at sunog na naganap nitong mga nakalipas na buwan, ang lahat ng ito ay nakita raw ng kontrobersyal na psychic na si Rudy Baldwin

Noong Hunyo, agad na ibinahagi ni Rudy sa Facebook ang mga nakita niyang pangitain tulad na lamang ng mga nagbabagsakang gamit, paglubog ng lupa at maging ang mangyayaring sunog.

Una nang ibinahagi ni Rudy sa Facebook noong June 1 ang pangitain niya sa Quiapo kung saan may magaganap na sunog. Makalipas ang mahigit isang buwan, July 17, nasunog ang ikaapat na palapag ng isang commercial building sa kanto ng Carlos Palanca Street sa Quiapo, Manila.

Isa pa sa lugar na nakita ni Rudy sa kanyang mga pangitain ay ang Batangas. Noong June 3, ibinahagi niya sa Facebook ang dalawang lindol na paparating sa probinsya na ngayon lang mararanasan ang lakas. Gayundin, ang mangyayaring paglubog ng lupa o ang tinatawag na sinkhole.

Makalipas ang isang buwan, July 24, nakaranas ang Batangas ng malalakas na lindol at maging ang paglubog ng lupa.

Sa panayam sa Kapuso Mo, Jessica Soho noong Linggo, sinabi ni Rudy na mayroon pa siyang pitong pangitain para sa natitirang limang buwan ng 2021.

Sa unang pangitain, nakita ni Rudy ang mga bangkay sa tabi-tabi, gayundin ang mga bangkay na lumulutang sa tubig dahil sa dumaraming krimen sa papalapit na eleksyon.

Pangalawa, mayroon siyang pangitain ng pinatay, binaril at naaksidenteng mga reporter. May nakita rin siyang bagay sa himpapawid na babagsak sa Pilipinas.

Ayon pa kay Rudy, magkakaroon daw ng tornado sa Luzon kung saan nakikita niya itong kulay dugo at apoy. At bago matapos ang 2021, may pangitain siya ng mga pulitikong masasawi.

Sa ikaanim na pangitain, binanggit ni Rudy ang pagkasawi ng isang batikan na aktor. At panghuli, may nakikita pa itong malalakas na lindol.

Samantala, balikan sa gallery na ito ang buhay ni Rudy Baldwin na itinampok sa real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman