Showbiz News

Nesthy Petecio, target noong una ang bronze medal sa Tokyo 2020 Olympics

By Aedrianne Acar

Para sa silver medalist na si Nesthy Petecio, sobra-sobra sa pinangarap niya ang nakamit sa pagtatapos ng kampanya niya sa Tokyo 2020 Olympics.

Bigo man na maiuwi ang gintong medalya na gusto niya ialay para sa coach na si Nolito Velasco at yumaong bestfriend na kapwa boxer din, nakagugulat pa rin ang mga nangyari, dahil ang target daw niya noong una ay makuha ang bronze medal sa women's featherweight division.

Kuwento ni Nesthy sa 24 Oras, “Actually po, bronze lang po hiniling ko sa kanya, sabi ko, 'kahit bigyan mo ako ng bronze Lord. Mapauwi ko lang 'yung mga ate ko na nandito sa Japan.'”

“May pang-gastos ako sa pamasahe nila pabalik ng Pilipinas, kahit bronze lang. Pero binigyan niya po ako ng silver, sobrang grabe ang lakas po ni Lord.”

Tanggap na rin daw ni Nesthy ang pagkatalo niya sa Japanese boxer na si Sena Irie, kaya hiling niya sa mga Pinoy na mag-move on na sa mga nangyari.

Paliwanag ng boxing champ, “Para po sa akin, kung ano man 'yung naging desisyon tinaggap ko po. Hindi na po natin mababago, kasi masasaktan lang po tayo ng masasaktan kapag 'yun lagi nating iniisip natin. So, hindi po tayo makaka-move on.”

Ibinahagi din ni Nesthy Petecio ang gagawin niya sa hindi pababa na Php30 million worth of incentives na naipangako sa kanya.

Saan kaya niya ito ilalaan?

Higit na kilalanin ang Pinay boxing champion na si Nesthy Petecio sa gallery below.