Showbiz News

Jay Costura, nagbigay payo sa mga kapwa niya psychic

By Nherz Almo

Aminado ang kilalang psychic na si Jay Costura na nakaranas siya ng pambu-bully noong bata pa siya dahil sa kanyang kakaibang kakayahan.

Sa bagong vlog ng Prima Donnas actress na si Aiko Melendez, inilahad ni Jay kung ano ang naging karanasan niya noong wala pa siyang alam tungkol sa kanyang kakayahang makakita ng mga pangitain.

Pag-alala ni Jay, "Bata pa lang ako, sa pagkaka-alala ko six years old pa lang ako, may kakaiba na sa akin.

"Naglalaro kami ng friends ko at mga kapatid ko, may nakikita ako na sasali sa amin. Then, kapag sila na ang tumingin, sinasabi nilang wala.

"Noong napansin na nila na nakakakita ako ng mga bagay na hindi nila nakikita, doon nag-build yung takot sa akin, iniiwasan ako.

"Sa akin kasi, when I was young, akala ko normal lang. Walang nag-educate sa akin na you have this extraordinary gift."

Nagpatuloy raw ito hanggang sa kanyang pagtanda.

"I was being bullied talaga," sabi ng psychic na si Jay, na madalas naiimbitahan sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho.

"Naranasan kong katakutan, isipan na baliw ako, kasi minsan nakikita ako na nagsasalita mag-isa.

"Akala ko kasi normal na may kakwentuhan ako o may kausap ako.

"So, minsan tinatanong ako ng mga friends ko sa province, 'Sino'ng kausap mo d'yan?' Pagtingin nila, wala. Pinagtatawanan nila ako."

Dahil dito, ani Jay, "Nasanay akong mag-isa."

Nagkaroon din daw ng punto sa buhay niya kung saan kinuwestiyon niya ang pagkakaroon ng ganitong klase ng kakayahan.

Aniya, "Tinatanong ko, 'Bakit ako, Lord?' Kasi, I wanted to sleep normal, e. Masaya ako na nakakatulog ako ngayon ng three to four hours a day.

"Kasi talagang dati, hindi talaga ako nakakatulog. Kapag natutulog ka, may gumigising sa 'yo, nag-a-ask ng help.

"Dumating din sa point na nasisi ako."

Bagamat buong pusong tinanggap na ni Jay ang pagiging psychic, alam niya na marami pa rin ang kumukutya sa kanyang kakayahan.

Gayunman, aniya, "Well, hindi natin mapi-please ang karamihan sa atin, 'no?

"Basta alam mo sa sarili mo na malakas ang pananampalataya mo sa Diyos.

"At saka wala kang inaapakang tao, walang kang ginagamit, alam mo sa sarili mo na masaya ka sa ginagawa mo.

"Sa bawat gagawin mo, dapat nandun ang guidance ni Lord.

"So, I can say that ito ay bigay ni Lord."


Samantala, hiningi ni Aiko ang opinyon ni Jay sa mga kapwa niya psychic tulad nina Ed Caluag at ang kontrobersiyal ngayon na si Rudy Baldwin.

Sa palagay ni Jay, "Napag-aralan niya, so I can say na totoo din siya.

"Ang mga ganito kasi, kapag gusto mo talagang i-develop yung gift mo, kailangan mo siyang i-enhance.

"Yung kay Ed Caluag, naka-work ko na siya three times, so I can say na okay naman siya kasama."


Pagdating naman sa kapwa niyang psychic na si Rudy Baldwin, sabi ni Jay, "Ang masasabi ko doon sa nagte-trending ngayon... Ako kasi, I have a premonition sa dream ko.

"Yes, nagpo-post din ako. I posted a warning sign.

"Pero napakaimposible na kasi na sa isang araw magkakaroon ka ng sampung premonition."

Bilang psychic, nagbigay din ng payo si Jay, "Sa akin kasi, respetuhin natin ang kalikasan. Kasi, 'pag 'yan ang gumanti sa 'yo, iba ang balik, e.

"And hayaan mo ang mga taong magpatunay kung ano ang mayroon ka.

"Hindi mo kailangang sabihin sa mga tao na, 'ito ang kaya kong gawin.'

"Hayaan mo si Lord ang mag-workout sa 'yo, na marami kang natutulungan.

"Pero hindi pwedeng gamitin mo ang gift mo para takutin ang mga tao.

"At saka hindi mo siya pwedeng gamitin para paglaruan ang kapalaran ng mga tao."

Alamin ang iba pang karanasan ni Jay Costura sa kanyang kakaibang kakayahan sa vlog ni Aiko Melendez:



Samantala, tingnan ang ilang internet sensations na bahagi na ng showbiz ngayon: