Showbiz News

Camille Trinidad, nasorpresa nang makita ang kamukhang si 'Mareng Camille' ng Tacloban

By Aimee Anoc

Hindi naiwasan ni Camille Trinidad na masorpresa nang makita na ang ka-look-alike na si Ericson "Erica" Corate o mas kilalang "Pagod na Camille" o "Mareng Camille" ng Tacloban.

Sa panayam sa Kapuso Mo, Jessica Soho, ibinahagi ni Camille na nais din niyang makita ang kanyang ka-look-alike na si Erica.

"Kahapon po pinag-uusapan namin s'ya. Sabi ko gusto ko s'yang makita. Sobrang natutuwa ako sa kanya kaso 'yung mga tao is alam n'yo naman po na sobrang ginagawang katatawanan. Sobrang nata-touch ako na natutuwa kasi sobrang ang galing kamukha ko s'ya, as in lalo na sa mata," pagbabahagi ni Camille.

Hindi naman naitago ni Erica ang kanyang tuwa at paghanga nang makausap na ang hinahangaang vloggers na sina Camille at Jayzam Manabat, o mas kilala bilang "JaMill."

"Dati talaga tawag sa akin is 'yung nasa The Lord of the Rings 'yung 'my precious.' Tapos sabi ko ayoko nu'n, ang pangit. Pagdating na ni Camille ayon tawag na sa akin, 'uy kamukha mo si mareng Camille.' Iyon tawang-tawa ako. Hala! oo nga. Two in one na 'to, kamukha ko si Camille, katawan ko si Jayson... JaMill," pagbibiro ni Erica.

"Nagpapasalamat po talaga ako sa JaMill kasi dahil po talaga kay mareng Camille nagkaroon po ako ng confidence, na masasabi ko 'I am confidently beautiful with a heart,'" pasasalamat ni Erica.

Dahil sa pandemya, humina nang husto ang kita sa parlor ni Erica kaya naman maging s'ya ay sinubukan na rin ang pagba-vlog.

"Natatawa ako sa mga vlog nila na super sweet. Super natural lang silang mag-vlog. Na-inspire po talaga ako mag-vlog kaya 'yon nagba-vlog na rin po ako," ani Erica.

Binigyang inspirasyon naman ni Camille ang tagahanga at sinabing tutulungan ito sa kanyang hanapbuhay.

"'Wag ka lang mawawalan ng pag-asa and lagi kang madarasal. Lakasan mo lang 'yung loob mo kasi ngayong pandemic sobrang mahirap talaga ang buhay," sabi ni Camille.

"Tutulungan ka namin," dagdag pa ni Jayzam.

"Nata-touch ako sa kanya kasi kahit na minsan napi-feel mo na nada-down ka nai-inspire ka namin. Magpatuloy ka rin na magpasaya pa ng tao kasi ngayon puro ganu'n lang talaga kailangan ng mga tao. Nandito kami tutulungan ka namin," dugtong naman ni Camille.

Pinalakas din ni Camille ang loob ni Erica sa mga nanghuhusga sa kanya at sinabing gawin nito kung ano ang nagpapasaya sa kanya.

"Huwag mo na masyado i-down 'yung sarili mo kasi lahat naman ng tao ginawa tayo ni Lord. 'Yun lang 'yung iisipin mo na lahat ng tao may purpose sa mundo, magpasaya tayo and maging masaya lang. Mas mag-focus ka kung saan ka magiging masaya," ani Camille.

Ayon kay Camille, maging siya ay nakaranas ng panghuhusga sa kapwa dahil sa sobrang daliri nito sa kanang kamay.

"Simula elementary to high school binu-bully po talaga ako rito sa extra finger ko po. Pero na-realiza ko po na mas mahalin n'yo 'yung sarili n'yo. Kasi kapag mahal n'yo 'yung sarili n'yo walang kahit na sinong makakatapak sa inyo," pagbabahagi ni Camille.

Panoorin ang buong interview nina Camille Trinidad at Jayzam Manabat sa Kapuso Mo, Jessica Soho.

Samantala, tignan sa gallery na ito ang YouTube celebrities na nagkaproblema sa relasyon: