Showbiz News

Betong Sumaya sa pagtulong na ginawa ni Alden Richards, 'Doon mo mapapatunayan 'yung mga totoong kaibigan mo'

By Aaron Brennt Eusebio

Binalikan ng komedyanteng si Betong Sumaya ang ginawang pagtulong sa kanya ni Asia's Multimedia Star Alden Richards habang ito ay nagla-live selling ng kanyang mga gamit sa Facebook noong Sabado, September 25.

Habang naka-live kasi si Betong ay biglang nag-comment si Alden, na kasalukuyang naka-lock in taping sa The World Between Us, dahil tinatanong nito kung magkano ang mga binebenta ni Betong dahil bibilhin niya lahat ito.

Nagkakahalagang 50,000 pesos ang lahat ng binili ni Alden na karamihan ay kolesyon ni Betong na binili niya sa ibang bansa.

Sa panayam ni Aubrey Carampel kay Betong sa 24 Oras, pinaliwanag ni Betong na akala niya ay scammer ang nagko-comment dahil hindi niya pa friend si Alden sa Facebook.

Aniya, "Nagbiro pa ako, nagbigay pa ako ng figure, e, medyo mataas pa kasi nga iniisip ko na baka bogus 'to, e. Alam mo 'yun, poser ganun."

Nang makumpirma ni Betong na si Alden nga ang nagtatanong, agad raw nitong ibinigay ang bayad sa kanyang account.

Dahil sa ginawang pagtulong sa kanya ni Alden, napatunayan ni Betong na isa siya sa mga totoo niyang kaibigan sa loob at labas ng showbiz.

Pagtatapos niya, "Doon mo mapapatunayan na 'yung mga kaibigan mo talaga na totoong kaibigan mo na susuporta sa anumang gagawin mo."

"And si Alden, isa talaga siya. From my concert from my guesting, nandyan talaga siya."