Showbiz News

Aiai Delas Alas, umuwi ng Pilipinas mula Amerika para sa 'The Clash 2021'

By Jansen Ramos

Legal na US permanent resident ang Comedy Queen na si Aiai Delas Alas.

Ito ay matapos makuha ng komedyante ang kanyang green card o identification card na ibinibigay ng U.S. Citizenship and Immigration Services sa mga permanenteng residente ng USA na pwedeng tumira at magtrabaho sa bansa.

Umuwi si Aiai at kanyang asawang si Gerald Sibayan ng Pilipinas mula Amerika noong Hulyo matapos manirahan doon ng isa't kalahating buwan para sa bagong season ng GMA singing competition na The Clash kung saan siya babalik bilang hurado.

Sa panayam ng entertainment reporter na si Gorgy Rula kay Aiai, "Ang The Clash kasi 'yan kasi ang parating uuwian ko in case kasi, siyempre, kasi minsan sa buhay natin, 'di ba, kagaya ni Golden [Cañedo], minsan may priority ka rin."

Nagdesisyong umuwi muna ng Cebu ang The Clash Season 1 winner na si Golden Cañedo para ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.

Patuloy ni Aiai, "Although babalik din naman ako rito kasi ang nanay ko matanda na so bibisitahin ko.

"Kaya lang, siyempre, sa totoo lang, ngayon pa lang ako talaga magiging may asawa. Alam mo 'yun, ang priority ko si Gerald kasi, bukod sa ipe-petition ko s'ya, kailangan n'ya din ng kasama n'ya do'n sa Amerika."

Dagdag pa ni Aiai, "Alangan naman nandito 'ko tapos nando'n s'ya, diyos ko, bakit pa kami naging mag-asawa?

"At saka kasi ngayon lang din ako magfu-full blast ng green card ko. 2015 pa kasi 'yung green card so kung bilangin mo no'ng 2020, five years na 'ko, dapat citizen na 'ko.

"So ngayon ko lang talaga s'ya bubunuin kasi sayang naman 'yung pagkakataon. Binigyan ako ni Lord na magkaroon ng green card tapos sasayangin ko lang so gagawan ko s'ya ng paraan ngayon."

Pagkatapos ng The Clash 2021 ay babalik si Aiai sa Amerika. Sa kanyang paninirahan doon, aasikasuhin nila ni Gerald ang plano nilang magka-baby via surrogacy.

"Lahat 'yan planado na sa mga gagawin namin sa Amerika. So 'yun lang prayers lang, and every day na hope na ang lahat ng ito ay magiging maganda. Pray, pray lang kay Lord."

Kasama ni Aiai babalik bilang judge ng The Clash 2021 sina Asia's Nightingale Lani Misalucha at Asia's Romantic Balladeer Christian Bautista.

Mapapanood ang pilot weekend ng The 2021 ngayong Sabado, October 1, 7:15 p.m., at Linggo, October 2, 7:40 p.m. sa GMA.