
Sa panahon ngayon na hilig na rin ng marami ang mag-shopping online at magpa-deliver, may paalala ang multi-awarded comedian and content creator na si Michael V., tungkol sa online seller delivery scam na bumiktima sa kanyang kasambahay.
Sa Instagram, ipinost at ikinuwento ni Bitoy ang panloloko na ginawa ng isang scammer. Kuwento niya, wala naman daw siyang inaasahang darating na delivery dahil wala naman siyang in-order. Pero kahapon, October 18, may dumating daw na isang item na selfie stick sa kanilang bahay na cash on delivery o COD at nagkakahalaga ng PhP2,550.
Wala raw si Bitoy noon sa bahay kaya ang kanyang kasambahay ang nag-receive at nagbayad ng package. Nang buksan daw nila ang laman nito, isang cheap na klase ng light stand at hindi selfie stick ang dumating sa kanila na sa tingin ni Bitoy ay nasa PhP500 lang o mababa pa ang presyo.
Sa detalye pa lang daw ng air waybill na nakadikit sa packaging ay talagang mahahalata na raw na galing ito sa isang scammer.
“Isa pang napaka-obvious na sign na raket 'yan o scam 'yan is the cellphone number. If you will read, it says there na cellphone number nitong Jazz from Balagtas Villas, Pasay, Metro Manila.. ang cellphone number niya ay 0920000000.. Puro zero! Paano mo tatawagan ngayon 'yan para magreklamo,” natatawang sinabi ni Bitoy.
Paalala naman niya sa publiko ay mag-ingat sa mga ganitong nauusong scam.
“Doon sa mga mahilig naman bumili online, mag-ingat kayo, be vigilant. Abangan n'yo yung mga scam na kagaya nito. Basta kung hindi niyo in-order, just say no, okay?”
Samantala, silipin naman sa gallery na ito ang ilang celebrities na nabiktima ng online hackers: