Showbiz News

KMJS: Babae, natupad ang hiling na muling makita ang chinitong lalaki sa kaniyang TikTok video

By Jimboy Napoles

Trending nitong Linggo ang "The Guy behind the Black Face Mask" feature story ng Kapuso Mo, Jessica Soho kung saan tampok ang kwento ng babaeng hinahanap ang chinitong lalaking nahagip ng kaniyang camera sa isang video na kinuha niya habang namamasyal sa Marikina Riverbanks Center.

Kuwento ni Jessa Ba-at, 21 taong gulang, magbubura na raw sana siya ng mga videos noon sa kaniyang cellphone nang mapansin niya sa isang video ang lalaki na nakasuot ng black face mask at tila ngumiti sa kaniya.

Dahil sa tuwa, ipinost ni Jessa ang video sa kaniyang TikTok sa pagbabakasakaling mahahanap niya ang lalaki. Umani ng sari-saring reaksyon mula sa netizens ang kaniyang video hanggang sa makarating na rin ito sa KMJS.

Kaya naman ang programa na mismo ang sumuyod upang mahanap ang lalaki na natagpuan nila sa Teresa, Rizal. Ang lalaking nais mahanap ni Jessa, nakilala ng team bilang si Christian Candido.

Pahayag ni Christian, nagtungo raw siya sa Marikina noon upang mag-solo food trip at hindi niya akalain na mahahagip siya ng camera ni Jessa.

Sa isang amusement park, naisip ng KMJS na pagtagpuin ang dalawa. Hindi naman makapaniwala si Jessa na ang lalaking matagal niya nang hinahanap ay makahaharap niya rin sa wakas.

Dito rin napag-alaman na bago pa ang kanilang encounter sa Marikina, nagkasama na rin pala sa iisang event ang dalawa sa paaralan na kanilang pinapasukan noon sa kolehiyo ngunit hindi sila noon nagtagpo.

Single at ready to be mingle naman daw ang dalawa, kung kaya't wala raw magiging problema kung kikilalanin nila ang isa't isa.

Ang nakakakilig na video at feature story na ito ng KMJS, mayroon nang mahigit sa 15 million views sa Facebook at patuloy pa na umaani ng mga reaksyon mula sa netizens.

Samantala, silipin naman sa gallery na ito ang mga istorya sa Kapuso Mo, Jessica Soho na pumatok noong taong 2020: