Showbiz News

Anthony Rosaldo, handa na tumanggap ng 'challenging' roles

By Aimee Anoc

Ngayong 2022, bukas na daw si Kapuso Pop Rocker Anthony Rosaldo sa mas marami pang proyekto bilang isang mang-aawit at aktor.

Ayon kay Anthony, may pinaghahandaan siyang bagong kanta ngayon. Pero bukod sa pagkanta, pagtutuunan din daw niya ng pansin ang pag-arte.

"Gusto ko ring mag-focus sa aking acting career. Bukod sa pagkanta, nabibigyan din tayo ng opportunity na umarte rito sa Kapuso Network. Looking forward ako sa marami pang projects," pagbabahagi nito.

Dagdag ni Anthony, handa raw siya sa kahit na anong roles na ibigay sa kanya ng GMA.

"Iba-iba kasi 'yung mga naibigay sa aking roles na ng mga shows dito sa GMA. Ang gusto ko talagang maging ay isang character actor. Wala talaga akong role in particular na gusto. I want to be challenged always sa mga roles na ibibigay sa akin. Kahit ano ibigay sa akin ready ako and always akong game," sabi niya.

Noong November 26, inilabas ang bagong kanta ni Anthony sa ilalim ng GMA Music, ang "Tama Na," na base sa sarili niyang karanasan sa pag-ibig.

Kamakailan din, kinilala si Anthony bilang Breakthrough Artist of the Year ng World Class Philippines Council.

Nakilala si Anthony nang sumali sa "Spogify feat Singing Baes" segment ng Eat Bulaga noong 2015. Sinubukan din ng Kapuso Pop Rocker ang suwerte niya nang sumali sa The Clash Season 1 noong 2018 kung saan napasama siya sa mga finalist.

Samantala, mas kilalanin pa si Kapuso Pop Rocker Anthony Rosaldo sa gallery na ito: