Showbiz News

The Gifted Graduation: Friendship over na ba ang barkada? | Week 3

By Beatrice Pinlac

Kapalit ng pagtunton nila sa kinaroroonan ni Ken ang paglubha ng kalagayan ni Time na agad naman nilang isinugod sa infirmary dahil sa sobrang pananakit ng kaniyang ulo.

Habang naiwan si Grace para bantayan ang kanilang kaibigan, sumuong naman si Jack para hanapin si Ken sa building na tinutukoy ni Time. Bukod kay Jack, may iba pang nagnanais na matagpuan si Ken. Pero ano kaya ang tunay na pakay niya?

Nang matagpuan na nila si Ken, ibinunyag ng kanilang bumaliktad na kaibigan ang dahilan kung bakit niya ipinakalat ang virus sa gifted students. Muli niyang binigyang-diin na bukal sa kaniyang kalooban ang ginawa niya dahil naniniwala siyang ito ang pinakamabuting paraan patungo sa tunay na pagbabago.

Nang makabalik na si Jack mula sa paghaharap nila ni Ken, sumalubong sa kaniya ang balita na patay na si Time. Hindi niya napigilan ang lumuha't magalit nang malaman ang sinapit ng kaibigan matapos nitong sagarin ang kaniyang kakayahan para lamang mahanap si Ken.

Sinamahan ni Grace si Jack para bisitahin ang isang infected gifted student na hindi na gumaling mula sa kaniyang sakit. Nabasag ang paniniwala ng binata na bumuti na ang pamamahala sa paaralan sa ilalim ng pamumuno ni Ms. Darin. Naliwanagan na rin siya sa mga kasinungalingan ni Ms. Darin kaya agad niyang kinausap ang iba pang gifted students tungkol dito.

Tuluyan nang nagkawatak-watak ang barkada dahil hindi na sila nagkakasundo sa direksyon ng kanilang misyon. Marami sa kanila ang hindi na naniniwala na gagaling pa ang infected gifted students ngunit kumakapit pa rin si Jack sa natitirang pag-asa na baka matagpuan pa nila ang lunas.

Nang makausap ni Jack si Director Paolo, natuklasan nito na buhay pa si Time at palihim siyang ginagamot mula sa kaniyang Nyx-88 infection. Ikinuwento rin ng school director ang hirap na pinagdaanan nila noon sa Gifted Program. Ngunit karapat dapat ba siyang pagkatiwalaan ng binata?

Abangan ang mga susunod na pangyayari sa award-winning Thai series na The Gifted: Graduation, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 a.m. dito lamang sa GMA.