Showbiz News

EXCLUSIVE: Herlene 'Hipon Girl' Budol, nilinaw na nagpaalam bago halikan si Alden Richards

By Marah Ruiz

Matatandaang ibinahagi ni Herlene sa kanyang TikTok account ang isang maikling video kung saan makikitang nasa isang event sila ni Alden.


Hinalikan niya sa pisngi ang aktor na tila kinagulat nito. Makikita ring niyayakap ni Herlene si Alden sa video habang kinikilig.

@herlene_budol Parang Manika si alden walang lait pogi ♥️#foryoupage #fyp #fypシ ♬ original sound - Herlene Nicole Budol

Sa isang eklusibong panayam sa GMANetwork.com, nilinaw ni Herlene na nagpaalam siya kay Alden bago halikan ito.

"Nagpaaalam ako, 'Alden, pa-kiss.' Kaso 'yung cellphone ko, kakakuha ko pa lang tapos saka ko siya kinissan. Nagpaalam naman po ako tapos nag-sorry din ako after kasi baka mabaho 'yung hininga ako sa part na 'yun kaya umayaw siya. Charot!" pabirong paliwanag ng aktres.

Palagay pa ni Herlene baka sadyang marami lang talagang tao sa event at naging mabilis ang mga pangyayari kaya nagulat si Alden sa kanya.

"Baka hindi lang po narinig, ganoon. Madami po kasi talagang tao. Si Alden ba naman hindi pagkakaguluhan," paggunita niya.

Pero naging seryoso si Herlene nang gunitain ang mga natanggap niyang comments sa kanyang video.

"Bago ko po ako nag-video, nagpaalam na po ako. Marami lang po talagang tao noon kaya parang hindi lang po sa akin naka-focus si Alden. Kasi sabi nila [sa comments], sumimangot daw. Hindi naman po ganoon. Sobrang bait ni Alden. Walang eme talaga," aniya.

Talagang naging excited lang siyang makita si Alden kaya hindi niya napigilan ang sarili.

"Sobrang bait ni Alden. First kita ko sa kanya. AlDub Nation ako kaya sobrang kilig ko noong nakita ko si Alden. As in, sobra talaga. Ang gwapo, parang mannequin! Walang pores. Ang kinis! Na-amaze ako bilang fan," lahad niya.

Humingi rin si Herlene ng dispensa sa mga fans ng aktor.

"Kung may mali po ako, sorry. Sorry sa mga AlDub nation at Aldenatics. Isa po ako sa inyo kaya sobra lang 'yung kilig ko," pahayag niya.

Samantala, muling susubukan ni Herlene na sumabak sa mundo ng beauty pageants bilang isa sa mga potensiyal na kandidata ng Binibining Pilipinas 2022.

Silipin ang kanyang glow up sa gallery na ito: