Showbiz News

Kristoffer Martin on acting: “Walang role sa akin na maliit o malaki.”


From being a Tween star, isa nang certified award-winning actor si Kristoffer Martin. After winning Best Supporting Actor in the 10th Golden Screen Awards and receiving an Honorable Mention from the 16th Long Island Film Expo in New York, what is next for Kristoffer?

Sa isang exclusive interview ng GMANetwork.com kinumusta namin ang Kapuso actor tungkol sa kinabibilangan niyang top-rated Afternoon Prime series na Kakambal ni Eliana. Nabanggit ni Kristoffer na talagang naging close siya sa kanyang mga co-stars.

Aniya, “Okay naman kami. Actually, ngayon, masasabi kong lahat kami, bonded na talaga. As in hindi na kami ‘yung parang nung first and second week of taping na naiilang.”

Dagdag pa niya, “Lumabas ‘yung totoong kulay ‘nung gitna na. Wala nang tinatago, lalo na kami ni Enzo. ‘Yung peg namin, My Husband’s Lover,” pagbibiro ng Kapuso actor.

Nalalapit na ang pagtatapos ng Kakambal ni Eliana, kaya naman itinanong namin kung ano ang pinakamami-miss ni Kristoffer.

“Siguro, lahat; ‘yung way ng pagtratrabaho namin, ‘yung production, lahat ng bumubuong emotions sa Kakambal ni Eliana, lahat ng nangyayari sa Kakambal ni Eliana, mamimiss ko,” pagbabahagi ng aktor.

Ano pa ba ang aabangan sa mga natitirang ilang linggo nito? Para kay Kristoffer, “Ito na ‘yung chance ni Gabo na ipakita at iparamdam kay Eliana kung ano ‘yung tunay niyang nararamdaman. Tatanggapin ba ni Eliana ‘yung pagmamahal niya? Matatanggap ba siya ni Eliana nang buong buo, o babalikan ba niya si Julian?”

Paano naman kaya ang rivalry nina Gabo at Julian, na parehong umiibig kay Eliana? “Sabihin na nating may conflict. Hindi rin maiwasan. Ang dapat niyong abangan rin doon kung matatanggap ba ni Eliana ‘yung ino-offer ni Gabo.”

Since award-winning actor na si Kristoffer, nangangahulugan ba itong mas seryosong roles na ang tatanggapin? “Sa akin kasi, as long as may trabaho. Walang role sa akin na maliit o malaki. Lahat importante,” pagpapaliwanag niya.

Hindi rin daw siya magiging mapili kung bida, kontabida o supporting role man ang ibibigay sa kanya.

“Para sa akin pantay-pantay, eh. Ang artista, ginagawa lang niya ang trabaho niya. Umaarte lang siya. Ginagawa lang niya kung ano ang mas nakakabuti. ‘Yung mga writers, sila ang mas nakakaisip kung ano ang maganda,” wika ni Kristoffer.

Kasalukuyang napapanood si Kristoffer Martin sa Kakambal ni Eliana pagkatapos ng Maghihintay Pa Rin, at sa Sunday All Stars tuwing Linggo sa GMA. --Text by Samantha Portillo, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com