Showbiz News

Jillian Ward, muling mapapanood sa GMA Afternoon Prime

By EJ Chua

Ngayong taon, isang malaking proyekto ang naghihintay para sa young actress na si Jillian Ward.

Mapapanood siya sa pinakabagong drama series na inihahandog ng GMA-7 para sa mga Kapuso.

Ito ang Abot Kamay Na Pangarap, ang seryeng maglalahad ng istorya ng isang mag-ina na gagawin ang lahat upang matulungan ang isa't isa na maabot ang kani-kanilang mga pangarap.

Gaganap dito si Jillian bilang si Analyn, ang matalinong bata na sisikaping buhayin at pag-aralin ng kaniyang nanay na si Lyneth, ang karakter na gagampanan naman ng aktres na si Carmina Villarroel.

Kaabang-abang ang kakaibang role na gagampanan ni Jillian sa serye na ito. Mula sa isang matalinong bata ay makikilala siya rito bilang isang surgeon.

Bukod kay Carmina, ilan pang aktor ang makakatrabaho ng dating child star sa serye na ito, tulad na lamang nina Richard Yap, Andre Paras, Dominic Ochoa, at marami pang iba.

Nito lamang Enero hanggang Abril, napanood si Jillian sa season 2 ng top-rating GMA afternoon drama na Prima Donnas.

Samantala, tingnan ang jaw-dropping photos ni Jillian Ward sa gallery na ito: