
Kasalukuyang nasa ospital ang batikang entertainment columnist at talent manager na si Lolit Solis dahil nagpapagamot ng kaniyang sakit.
Bagamat hindi niya ibinahagi kung ano ang kaniyang karamdaman, nagbigay naman ng update si Lolit tungkol sa kaniyang kalagayan sa ospital at nagpasalamat sa mga sumusuporta sa kaniyang paggaling.
Sa isang Instagram post, inamin ni Lolit na malungkot ang kaniyang pakiramdam habang nasa ospital at hindi mapigilan na maging emosyonal.
Kuwento niya, "Talagang 'pag nasa hospital ka pala medyo iba ang feeling mo Salve iyon bang parang mababa energy mo, saka parang something is not alright.
"Para nga gusto ko maiyak kasi feeling sad ako. Iyon lang feeling mo, parang meron kang hopelessness na feeling, parang fragile emotion mo. Ayoko nga isipin na nega pero meron talagang sadness."
Nagpapasalamat naman si Lolit sa mga nagpaabot ng suporta sa kaniyang pagpapagamot habang nasa ospital.
Aniya,"Gusto ko nga mag thank you dahil kahit bawal dalaw, talagang nagpadala pa rin ng flowers at fruits mga precious friends ko."
Isa sa mga nagpadala ng bulaklak kay Lolit ay si Start-Up Ph actor na si Alden Richards.
"Nagulat ako sa laki ng flowers na padala ni Alden Richards, talagang no wonder na marami nagmamahal sa kaniya, iyon bang nandiyan siya agad para ipadama pagdamay," ani Lolit.
Humiling din ang batikang showbiz personality ng dasal para sa kaniyang agarang paggaling.
SAMANTALA, KILALANIN NAMAN ANG ILANG PINOY CELEBRITIES NA MAY RARE MEDICAL CONDITIONS SA GALLERY NA ITO: