
All smiles na dumalo ang celebrity couple na sina Xian Lim at Kim Chiu sa pocket press conference ng kanilang comeback movie na Always, na ginanap sa Quezon City, ngayong Lunes, September 12.
Matapos ang walong taon, muling nagsama ang reel-to-real couple na sina Xian at Kim sa isang proyekto kung kaya't aminado ang dalawa na nagulat sila sa mga bagong ipinakitang acting skills ng isa't isa.
Ayon kay Kim, magugulat ang kanilang fans sa intense acting performance na ipinakita ni Xian para sa pelikula.
Aniya, "Mas malalim na si Xian grabe very intense. May mga eksena siya na nanonood lang ako sa booth ni Direk [Dado Lumibao] and hangang-hanga talaga kami sa kanya dahil very intense na talaga 'yung acting niya sabi ko nga, 'Hala, ang galing ni Xian.'"
Para naman sa aktor, talagang sinikap nila na gawing iba sa dati nilang mga pelikula ang kanilang comeback movie na tiyak na magpapaiyak sa mga manonood.
Aniya, "Kumbaga, 'yung magiging feels ng pelikulang ito would be kung gusto nilang mag-reflect sa kanilang mga mahal sa buhay na parang may pag-asa pa o may true love pa."
"Tearjerker po talaga itong ginawa namin," dagdag pa niya.
Ang nasabing romance-drama film ay Philippine adaptation ng 2011 hit Korean movie na Always. Iikot ang kuwento nito sa isang babae na may diperensya sa paningin na nahulog ang loob sa isang lalaking boksingero na magiging biktima ng isang matinding aksidente at magbibigay problema sa kanilang relasyon.
Taong 2015 nang huling mapanood sina Xian at Kim sa big screen at ngayong September 28 ay nakatakdang muling magpakilig ang dalawa sa kanilang comeback movie na Always hatid ng Viva Films.
SILIPIN NAMAN ANG MGA LARAWAN NG KAPUSO-KAPAMILYA ON-SCREEN PAIRINGS SA GALLERY NA ITO: