Showbiz News

Herlene Budol stuns in Leo Almodal creation for Miss Planet International 2022

By Jansen Ramos

Ibinida ni Herlene Budol ang mga naggagandahang gown niya para sa kanyang pagsali sa Miss Planet International 2022 sa Uganda.

Likha ang mga ito ng local fashion designer na si Leo Almodal na siya ring nagdisenyo ng official long gown ni Herlene na kanyang susuotin sa kompetisyon.

Proud si Herlene na mabihisan ng designer na pinagkakatiwalaan din ng iba pang sikat na artista gaya nina Carla Abellana, Anne Curtis, Ara Mina, at Binibining Pilipinas International 2021 Hannah Arnold.

Noong Martes, November 8, ipinost ni Herlene ang kanyang larawan suot ang couture masterpiece ni Leo na isang beaded mermaid style gown para sa sash ceremony ng Miss Planet International 2022.

Sa sumunod na creation ni Leo na kanyang sinuot, mala-sirena ang dating ni Herlene sa kanyang sexy bejeweled gown na na-highlight ang balingkinitan niyang katawan.

Sa kanyang caption, sinabi ng Magandang Dilag actress, "isang malaking karangalan na masuot @leoalmodal Couture Masterpiece."

Si Herlene ang kinatawan ng bansa sa Miss Planet International ngayong taon matapos magwaging Bb. Pilipinas 2022 first runner-up.

November 5 nang dumating si Herlene sa Uganda para sa preliminary activities ng nasabing beauty pageant.

Gaganapin ang coronation ceremony ng Miss Planet International 2022 sa Speke Resort Munyonyo sa Kampala, Uganda sa November 19 (Uganda time).

Ang Miss Planet International ay isang environmental conservation organization na layong palakasin ang sustainable development.

NARITO ANG IBA PANG LARAWAN NI HERLENE BILANG BEAUTY QUEEN: