Showbiz News

Glaiza De Castro, muling hinirang na best actress para sa pagganap niya sa 'Liway'

By Jansen Ramos

Patuloy na kinikilala ang husay ng Kapuso dramatic actress na si Glaiza De Castro para sa kanyang pagganap sa title role sa indie film na Liway.

Taong 2018 pa ini-release ang pelikula sa Cinemalaya at nagwagi ng iba't ibang parangal sa nasabing independent film festival, kabilang na ang Audience Award, Special Jury Commendation, at Special Jury Prize para sa pagganap ng ex-child actor na si Kenken Nuyad bilang Dakip.

Ngayong 2022, muling kinilala ang bida nitong si Glaiza na binansagang best actress sa FACINE (Filipino Arts & Cinema, International), isang annual Filipino-American cine festival sa San Francisco, California. Itinuturing itong "oldest Filipino film festival in the US," ayon sa Liway director na si Kip Oebanda.

Sa kanyang Instagram account, inamin ni Glaiza na hindi siya makapaniwala na nakakuha muli siya ng parangal para sa performance niya sa Liway. Matatandaang ilang beses na siyang ginawaran ng acting award mula sa iba't ibang award-giving body sa Pilipinas para sa pelikula na may temang Martial Law.

Kalakip ang screenshot ng conversation nila ng direktor, aniya, "So I got these messages at around 2am here in Canada saying something about Liway getting awards.

"'Di ko naintindihan agad then @kipoebanda told me that I just won another award. Huwatttt.
Maraming salamat @facinefilmfestival."

Ayon pa kay Glaiza, isang karangalan na mapiling best female performance in a lead role ng mga bigating personalidad sa larangan ng sining. Sa awarding system ng FACINE, nakakakuha ng 'gold' si Glaiza.

"It's an honor po knowing that the winners were selected by an esteemed panel of three jury members: Film scholar, critic, author JB Capino, Indonesian film scholar, curator Gaston Soehadi and film and theater actor, academic Sunita Mukhi.

"Mahuhay ang pelikulang Pilipino."

Sa dulong parte ng kanyang post, inanyayahan din ni Glaiza ang kanyang followers na panoorin ang Liway nang libre sa YouTube.

Nasungkit din ng 2018 indie film ang gold award for best film, best direction, best screenplay, best male performance in a lead role (Kenken Nuyad), at best male performance in a secondary role (Dominic Roco).

Silver award naman ang cinematography ng Liway sa 2022 FACINE.

Hango ang Liway sa mga totoong pangyayari na base sa buhay ng mismong direktor ng period drama, na Dakip kung tawagin noon siya ay bata pa. Katulong ni Kip sa pagsulat ng Liway ang screenwriter at award-winning director na si Zig Dulay.

Mapapanood sa Liway ang paglaki sa kulungan ni Dakip (ginampanan ni Kenken Nuyad) kasama ang kanyang inang rebolusyonaryo na si Cecilia Flores-Oebanda o Commander Liway ng New People's Army, na ginampanan ni Glaiza.

Mapa-pelikula o TV man, pinatunayan ni Glaiza ang kanyang galing sa pag-arte.

Sa ngayon, nasa Canada naman ang aktres para shooting ng pelikulang pinamagatang Kahel.

BALIKAN DITO ANG ILAN NIYANG NATATANGING PAGGANAP ONSCREEN: