Showbiz News

Kiray Celis at Mystica, nag-away nga ba sa taping?

By Jimboy Napoles

Nilinaw ng Kapuso comedienne-actress na si Kiray Celis ang totoong nangyari tungkol sa umano'y pag-aaway nila ng dating sexy star na si Mystica.

Sa panayam ni Kiray kay Nelson Canlas para sa GMA Integrated News podcast na Updated with Nelson Canlas binigyang diin ng aktres na hindi sila nag-away ni Mystica bagkus ay nagkaroon lang ng maliit na hindi pagkakaintindihan.

Nangyari ito nang maging roommate sina Kiray at Mystica sa taping ng isang teleserye.

Kuwento ni Kiray, "Hindi ko siya nakaaway, nakakatawa 'di ba? Ito po ang kuwento niyan, 'di ba nagla-lock in [taping] kami so ka-roommate ko siya. Days bago ako dumating, nandoon na po sila kuya. Tapos pagkarating ko doon siyempre nandoon na mga gamit, so parang, 'A, diyan ka Kiray higa ka diyan,' 'Sige po ate ganiyan.'”

"Excited din ako kasi nakakasama ko rin nong bata ako si Ate Mystica pag kunyare nagra-raket-raket, kanta-kanta sa mga fiesta, ayan sabi ko excited ako kay Ate Mystica ganiyan," dagdag niya.

Ayon kay Kiray, nagpaaalam lamang siya noon kay Mystica na lalabas muna ng kanilang kuwarto upang puntahan ang kaibigang co-star pero nagulat siya sa naging mensahe ng huli sa kanilang group chat.

Aniya, "So nagpaalam ako kay Ate Mystica, sabi ko ate punta muna ko kay Kuya Jason. Biglang nu'ng gabi nag-chat siya sa GC [group chat] namin e, 'yong GC namin lahat ng artista nandoon 'yong mga staff namin nandoon so pag meron kang chinat doon parang urgent talaga or parang it's a must parang ganu'n."

"Nagchat siya, sabi niya, 'Wala dito si Kiray sa kuwarto.' Sabi ko, 'Hala nagpaalam naman ako sa kaniya na pupunta ako kay Kuya Jason na nagugutom po ako.' Ayoko po isipin na kakarating ko lang doon ng first day sasabihin naglalakwatsa po ako agad or nag-iikot ikot ako, so parang natakot ako na, 'Oh my gosh baka kung anong isipin sa akin ng mga artista dito, mga staff,'" kuwento pa ng aktres.

Sa pagpapatuloy ng kuwento ni Kiray, nang makabalik siya sa kuwarto ay dito na sinabi ni Mystica ang kanyang problema.

"So anyways, so nagulat ako sabi ko, 'Oh my gosh baka si Ate Mystica,' tapos binalikan ko siya, pagbalik ko ng kuwarto sabi niya, 'I am not okay, hindi na ako okay.' 'Ano nangyari sa'yo ate? Sorry po bakit po ganiyan-ganiyan.' 'Yon pala ayaw niya akong kasama, gusto daw niya ng privacy," aniya.

Kuwento pa ng Kapuso actress, bukod sa gusto ng privacy ni Mystica ay nakaramdam din ito ng homesick kung kaya't kalaunan ay umalis na rin ito sa programa.

Aniya, "Kaya sabi ko, 'Hala natakot naman ako kay Ate,' tapos tinatanong ako ng mga staff, 'Wala akong ginawa diyan.' Tapos 'yon pala naho-homesick siya kaya ano umalis din siya sa show, kasi naho-homesick pala talaga siya gusto niya makita anak niya, kaya ayon."

Sa kabila ng hindi pagkakaunawaan, nilinaw ni Kiray na wala siyang sama ng loob kay Mystica at naiintindihan niya ito.

"Hindi na niya ako minessage pero kung makikita ko siya hindi naman po ako galit po sa kaniya. Siguro hindi niya lang ma-explain na ayaw niya ng kasama dapat siguro parang diniretso niya ako na, 'Girl ayaw kita kasama,' or gusto niya raw kasi ng privacy. Ayaw niya ng may kasama which is I understand kasi hindi naman siguro lahat kagaya ko," paglilinaw ni Kiray.

Huling napanood si Kiray sa katatapos lamang na GMA Afternoon Prime series na Return To Paradise na pinagbidahan nina Derrick Monasterio at Elle Villanueva.

Sa ngayon, nakatuon ang atensyon ni Kiray sa kanyang mga magulang at pag-aasikaso sa kanyang ibang mga negosyo.

SILIPIN ANG SEXIEST PHOTOS NI KIRAY CELIS SA GALLERY NA ITO: