Showbiz News

Julie Anne San Jose, Rayver Cruz excited pero kinakabahan para sa 'JulieVerse' concert

By Faye Almazan

Inihayag nina Kapuso stars Julie Anne San Jose at Rayver Cruz ang kanilang excitement sa gaganapin na "JulieVerse" concert bukas.

Sa interview ng GMANetwork.com, inamin ni Julie Anne na kahit kinakabahan ay excited sila para sa show at makita ang kanilang fans.

Dagdag pa ng Asia's Limitless Star ay “surreal” na nalalapit na ang concert.

"JulieVerse" ang unang concert na pagtatambalan nilang dalawa ni Rayver.

Ayon kay Julie Anne ay puspusan ang ginawa nilang paghahanda para rito, “We've been really working really hard for this concert since it's our first together.”

Sinabi rin ni Rayver na kinaiangan nilang mag-prepare nang mabuti at talagang pinaghandaan niya ang singing part.

Samantala, inilahad ni Julie Anne na kinailangan niyang i-manage ang kaniyang oras dahil nagte-taping rin siya para sa hit serye na Maria Clara at Ibarra.

“I've been taping 'din for 'Maria Clara at Ibarra' kaya I have to manage my time well and my energy,” saad niya.

Dagdag niya na lagi silang sabay mag-rehearse ni Rayver.

“Wala kaming rehearsals na separate, lagi kaming together talaga sa rehearsals para alam namin kung ano 'yung gagawin namin,” ani ni Julie Anne.

Kung ilalarawan raw ang nalalapit na concert ito ay, “one for the books, experiential, at magical” para kay Julie Anne.

“Experiential 'yung feel… you're not just gonna watch the concert or our performances per se, but… pagpasok mo pa lang [ng venue], you're going to be in a whole another universe,” paliwanag niya.

Para naman kay Rayver ay “inspiring, magical, at amazing” ang 'JulieVerse.”

“Paglabas niyo ng concert, naka-smile kayo nang malaki tapos mahal na mahal n'yo 'yung mga kasintahan n'yo tsaka 'yung mga asa-asawa n'yo… ganon 'yung pakiramdam,” pahayag ng aktor.

Makakasama ng JulieVer ang mga kaibigang sina Mavy Legaspi at Kyline Alcantara sa concert.

“Since friends 'din kasi namin sila tapos they're also both very talented performers, kaya parang wala naman kaming naging problem or… wala kaming naging hassle kasi parehas silang magaling tapos talagang nagco-complement sila sa isa't isa,” sabi ni Julie Anne.

Gaganapin ang "JulieVerse" concert bukas, November 26, sa Newport Performing Arts Theater sa Pasay City.

Para sa tickets, bisitahin ang www.gmanetwork.com/synergy at ang website ng TicketWorld sa www.ticketworld.com.ph.

SILIPIN ANG REHEARSALS NG JULIEVER AT MAVLINE PARA SA 'JULIEVERSE' SA GALLERY NA ITO: