Showbiz News

JC Regino, kuhang-kuha ang estilo ng pagkanta ng amang si April Boy Regino

By Aimee Anoc

Buhay na buhay sa tinig at estilo ng pagkanta ng GMA Music artist na si JC Regino ang yumaong ama nitong si April Boy Regino.

Hindi itinatanggi ni JC na may pagkakahawig ang estilo ng pag-awit nila ng OPM icon.

"Sa pag-awit po, iyon talaga 'yung style po namin medyo may pagkakahawig. Siyempre po siya po 'yung nagturo sa akin," sabi niya.

Tulad ng kanyang ama, nahihilig din si JC sa pagsusuot ng sumbrero na trademark na ni April Boy.

Kuwento niya, naging inspirasyon niya ang kanyang ama para magpatuloy ngayon sa musika matapos ang pansamantalang pamamalagi sa Amerika para magtrabaho.

Noong January 24, opisyal na pumirma ng kontrata si JC bilang bagong artist ng GMA Music.

"Ako po talaga kapag naiisip ko 'yung mga achievement ni daddy po sa music, sobra pong natutuwa po ako. Kaya nga po siya naging legend kasi po napakagaling niya po talaga. Sobrang proud po ako sa kanya, sa mga accomplishment niya po, mga ambag niya po bilang musician po.

"Para sa akin po mas masaya po ako sa mga nangyayari po sa kanya. Bakit din naman po ako nandito sa pagkanta kasi po na-inspire po ako dahil sa kanya. Siya po 'yung nagsimula, siya po 'yung nagturo sa akin, naging guro ko po siya sa pagkanta at pagsusulat po ng [awitin]."

Sa ngayon, naghahanda si JC para sa debut single niyang "Idolo" na alay niya para sa mga tagahanga ng April Boys (April Boy, Vingo, at Jimmy Regino).

Mapapakinggan ang "Idolo" simula February 24 sa iba't ibang ng digital music streaming platforms.

BALIKAN ANG NAGING BUHAY NI APRIL BOY REGINO SA GALLERY NA ITO: