Showbiz News

Vilma Santos, may matinding paalala sa young stars: 'Be respectful to your colleagues'

By Nherz Almo

Kung mayroon mang dapat maging magandang ehemplo ang mga baguhang artista ngayon, ito ay ang Star for All Seasons na si Vilma Santos.

Ngayong taon, ipinagdiriwang ni Vilma ang ika-60 anibersaryo niya sa showbiz. Aminado siya na hindi madali ang mga pinagdaanan niya para tumagal nang ganito kahabang taon sa industriya.

“Tumagal man ako ng 60 years, talagang yun lang ang ginawa ko, hard work, smart work, and grace from God,” sabi ni Vilma, or mas kilala sa showbiz bilang si Ate Vi.

Patuloy ni Ate Vi, “Hard work kasi talagang kailangan mong magtrabaho; smart work kasi iisipin mo rin kung saan mo talaga gusto pumunta, papaano mo ipaplano ang career mo; and grace from God kasi you have to pray for guidance. Kaya itong newbies, soon-to-be superstars, palagay ko, love your career and it will love you back.”

Nakausap siya ng GMANetwork.com at iba pang entertainment media sa launch ng bagong partnership nila ng motorcycle taxi na Angkas noong Lunes, February 27.

Ngayong linggo, mainit na pinag-usapan ang pagsasalita ng dalagang aktres na si Liza Soberano tungkol sa diumano'y pagkakahon sa kanya sa nakaraang 13 taon niya sa showbiz.

Ang isyung ito ay pinagdaanan din ng batikang aktres.

Sabi ni Ate Vi, “Sa 60 years, dumating din sa akin yun, may mga time pa nga na gusto ko nang mag-quit at saka talagang nakakahon ka, talagang doon naman ako lumaki, entertainment lang. Wala akong ibang alam kundi showbiz.

“There was even a time na kapag nagbukas ako ng dyaryo, hindi ko pinapansin ang front page, entertainment kaagad ako. But again, maybe it's meant to be, when I became a public servant, doon ko lang na-realize yung reality of life. So, you learn while you grow; while you mature, you learn.”

Bagamat naging isa nang public official, sa palagay ni Ate Vi ay hindi pa rin siya nakawala sa “kahon” na kinalalagyan niya sa showbiz.

Gayunman, ipinaalala niyang dapat matutong mag-evolve ang isang artista para mas tumagal sa industriya.

Aniya, “I'm still here. Sabi ko nga kanina, I'm continuously evolving. I'm still open sa mga bagong challenges. You never stop. Hindi por que hindi na ako public official, isa na akong private citizen, you never stop [learning]. There are still a lot of things na interesting pa rin sa buhay mo and I entertain these things.”

Tungkol naman sa younger stars na nakararanas ng burnout, magandang halimbawa rin si Ate Vi.

“It's too early para ma-burn out!” pag-diin ng award-winning actress.

“Sixty years na ako. Daraan yung stage na 'yon. Alam mo, kung seryoso ka talaga sa career mo, matututo kang dalhin 'yan nang tama. Daraan 'yan, yung mga challenges na 'yan. But learn how to face all these things kung gusto mo talagang tumagal.”

Kaugnay nito, nag-iwan din ng napakaimportanteng paalala si Ate Vi sa mga batang artista para mas tumagal sa showbiz.

“Alam n'yo, huwag kayong ganyan kasi hindi kayo tatagal. At the end of the day, ang usapan if you want to be in show business is longevity, hanggang kailan ka. You might be a superstar for a year, but after that, where are you na?

“Sa dinami-rami ng mga artista ngayon, kailangan yung X factor mo and, number one, your respect to your colleagues. Dapat nandun yung X factor mo para umangat ka kasi ang dami ngayon, e. I mean, give it two months, may bago na namang lalabas. Kaya you have to have that X factor and one of that is you have to be respectful to your colleagues, lalo na sa mga senior. So, learn how to respect other people especially kasama mo sa industriya.

Dagdag pa niya, “Kasi, ang liit lang ng mundo natin, heto tayo, tayo pa rin, 'di ba? Kapag hindi ka nag-iwan ng respeto sa mga kasama mo, nothing will happen to you. So, learn to love it, learn how to respect, and may laban ka.”

Samantala, katulad ng mga pahayag ng ilang young stars na gusto siyang makatrabaho, nais din daw ni Ate Vi na makatrabaho ang mga mas bata at mga baguhang artista.

Pahayag niya, “Looking forward din ako na makasama sila, sa totoo lang. Siguro, mabigyan lang ako ng magandang istorya… Katulad ng binigay kong example, yung Anak, first time ko yun with Claudine, pero bago yung chemistry.

“Kung babalik man ako, gusto kong makapagbigay naman ng something different na mae-enjoy ng audience natin ngayon. Sa dinami-dami na ng mga pelikulang nagawa ko, paulit-ulit na. So, I'm looking forward to doing something different that I can offer to my audience, and part of this is working with younger stars.

TINGNAN SI VILMA SANTOS, AIAI DELAS ALAS, AT IBANG PANG MGA ARTISTANG MULA SA BATANGAS SA GALLERY NA ITO: