Showbiz News

‘My Husband’s Lover’ fan Maricel Soriano, sabik makatrabaho ang MHL stars


Nakakatuwang malaman na isa sa mga na-hook sa My Husband’s Lover ang Diamond Star na si Ms. Maricel Soriano.

Kuwento ni Maricel, wala siyang hilig sa panonood ng TV, ngunit dahil madalas pag-usapan ang My Husband’s Lover, sinubukan niya rin itong panoorin.

“Aminin natin na may pagkatsismosa talaga ako. So binuksan ko ngayon ang TV. Naku darling, everyday nanonood na ako ng My Husband's Lover,” pahayag niya.

Aniya, kabisado niya ang bawat eksena ng My Husband’s Lover at bumilib siya sa mga artista nito na sina Carla Abellana, Dennis Trillo at Tom Rodriguez. “Naloka ako. Ang husay ni Carla. Ang husay-husay nilang lahat talaga. Bumilib talaga ako. Wala akong masabi.”

“Nakakaloka asan ba ‘yung si Carla? Paano ko ba gugusutin ang mukha noong batang ‘yun at napakaganda! Ang husay-husay ninyo,” ani Maricel.

Dagdag ng Diamond Star, hindi puwede na walang gabay sa panonood nito dahil sa mga mature na sitwasyon. Saad niya, “Nagkakandabuhol-buhol ang dila ko noong nakita ko ‘yung dalawa, si Tom [Rodriguez] at saka si Dennis [Trillo].”

Dahil nabalitaan umano ng tatlo na fan ang Diamond Star ng My Husband’s Lover, nagpahiwatig umano sila na gusto rin nila siyang makatrabaho.

“Madali lang yan 'e! Gusto ko mag-guest sa show ninyo!” natatawang sagot niya.

Para sa updates tungkol sa inyong paboritong Kapuso stars, mag log-on sa www.gmanetwork.com.

- Text by Maine Aquino, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com