Showbiz News

Hannah Precillas, nakatulong sa pagkanta ang mga acting stints

By Aedrianne Acar

Nakilala si Hannah Precillas bilang isa sa pinakamagaling na singer sa bakuran ng GMA-7. Sa katunayan, binansagan siyang Kapuso OST Princess dahil makailang beses na siyang kumanta ng theme song ng mga sikat na serye.

Pero bukod sa pagkanta, sumusubok na rin sa pag-arte si Hannah, ang pinakahuli ay gumanap siya bilang Iday sa hit primetime series na Maria Clara at Ibarra.

Kuwento ng Sparkle diva sa GMANetwork.com, malaking tulong para mas gumanda ang performance niya bilang singer nang mapasabak siya sa mundo ng pag-arte.

Lahad ni Hannah, “Nakatulong siya, number one sa emotions. Dahil alam mo 'yun pag-deliver mo ng lines sa script, para rin siyang kumakanta ka e.

“Sabi nila sa arte para kang kumakanta. 'Gawin mo lang 'yun, sanay ka na naman mag-ano ng emosyon sa kanta,' ganiyan-ganiyan. [Pero] parang naging mas challenging lang siya sa akin. Hindi siya ganun kadali gawin na akala ko, 'Ah ganun lang pala parang pagkanta lang'

Dagdag pa niya, “Pero hindi e, iba 'yung focus mo na, kasi sobra ako nasanay siguro sa pagkanta, kaya ko na siya gawin, alam mo 'yun, na parang may switch na lang na, 'okay, emotions.' Pero ang nakatulong sa akin dito nakakasalang na ako sa pag-arte is mas lalo ko natutunan sa sarili ko na everytime na kumakanta ako hindi lang siya 'yung kung ano 'yung nakasanayan ko na okay pindutin ko lang 'tong button na 'to.”

Binigyan-diin ng former Bet ng Bayan contestant, “Iba pa rin kapag sa puso mo talaga may naiisip kang eksena, may hugot kang malalim talaga.”

Source: hannahprecillas (IG)

Matapos ang Maria Clara at Ibarra, napapanood naman this time si Hannah sa much-awaited comeback project nina Barbie Forteza at David Licauco sa Daig Kayo Ng Lola Ko. Ikalawang beses na ni Hannah as guest sa award-winning weekly magical anthology.

Aminado ang Kapuso performer na sinigurado niya na magiging iba ang atake niya bilang si Mau sa kuwento ng 'Lady & Luke.'

Paliwanag niya, “Dito naman sa Daig Kayo Ng Lola Ko, sabi ko, hindi ko puwedeng parang iisa lang gagawin ko. Baka madala ko na naman uli ['yung kilos ni Iday].

“Masyado kami nasanay nun na mahinhin magsalita, 'yung tawa namin ganito. Nilagyan ko ng ibang atake pa 'yung character ko sa Daig Kayo Ng Lola Ko para lang ma-separate ng ibang-iba siya. Contrast talaga siya du'n sa kung ano 'yung karakter namin sa Maria Clara at Ibarra.”

Kasalukuyang busy si Hannah Precillas sa pag-promote ng latest single niya under GMA Music na "Sa Aking Daigdig” na pinasikat noon ni Megastar Sharon Cuneta.

SILIPIN ANG DIVA MOMENTS NI HANNAH PRECILLAS DITO: