
Patuloy na tinututukan at sinusuportahan ng mga manonood ang second season ng Kapuso action-comedy series na Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.
Katunayan, muling nakapagtala ng mataas na ratings ang nakaraang episode ng programang pinagbibidahan nina Bong Revilla Jr. at Beauty Gonzalez. Ayon sa NUTAM People Rating, nakakuha ng 10.1 percent ang recent episode ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis Season 2, na inilabas noong March 10.
Noong nakaraang Linggo, matatandaan na dinukot ang asawa ni Major Bartolome Reynaldo na si Gloria ng isang sindikato, kung saan kabilang si Redentor Pigsart (Ramon Christopher Gutierrez).
Sa pag-uusap nina Bartolome at Pigsart, sinabi ng huli sa una na kung nais pa niyang makitang buhay ang kanyang asawa ay ibigay nito sa kanya si Elize (Max Collins). Pinaalalahanan din ni Pigsart si Bartolome na huwag magsasama ng mga pulis at magdadala ng mga baril sa kanilang pagkikita.
Nagkaisa naman sina Bartolome at Elize para pumayag sa kagustuhan ni Pigsart at mailigtas ang misis ng una. Nang ibigay na si Elize kina Pigsart ay pinaulanan ng mga bala ng sindikato sina Bartolome at Gloria.
Tila naging madugo ang pag-rescue kay Gloria dahil nalagay sa alanganin ang buhay ni Sylvester “Style” Salonga (Nino Muhlach) matapos niyang iligtas si Elize. Sa kabutihang palad, naging mabuti ang kalagayan ni Style matapos ang nangyari.
Samantala, muling nagkrus ang landas nina Bartolome at ng kanyang ex-girlfriend na si Mildred (Sanya Lopez). Ano kaya ang naging reaksyon ni Gloria?
Subaybayan ang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis Season 2 tuwing Linggo, 7:15 p.m., sa GMA.