Mayroon nang Interpol red notice na inilabas laban kina dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag at dating police officer Rafael Dumlao III, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Sa press conference nitong Lunes, sinabi ni Remulla na may red notice din laban kay Atong Ang, habang naisumite na ang mga rekisitos para sa pagpapalabas din ng red notice laban kay Ako Bicol party-list lawmaker Zaldy Co.
Gayunman, hindi pa umano inaaprubahan ng Interpol ang naturang kahilingan tungkol kay Co.
“Yung kay Zaldy Co, it was filed September 2025, hindi pa gina-grant ang red notice niya. So complied na lahat ’yun,” anang kalihim.
Ayon sa International Criminal Police Organization (INTERPOL), ang red notice ay kahilingan sa mga tagapagpatupad ng batas sa buong mundo upang hanapin at arestuhin ang isang tao habang hinihintay ang extradition, pagsuko, o iba pang legal na proseso.
Ang mga indibidwal na may red notice ay hinahanap ng bansang humiling o ng isang internasyonal na tribunal, at ang bawat miyembrong bansa ay may sariling batas kung magdedesisyon kung aarestuhin ang tao.
Noong nakaraang buwan, inanunsyo ni Remulla na may red notice na rin laban kay Atong Ang, na nahaharap sa kasong kidnapping with serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero.
Noong Abril 2023, naglabas ng arrest warrant ang isang korte sa Muntinlupa laban kay Bantag na itinuturong utak sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid noong Oktubre 2022, gayundin sa pagkamatay ni Jun Villamor, na sinasabing middleman sa pagpatay kay Lapid.
Itinanggi naman ni Bantag ang alegasyon na patuloy na pinaghahanap ng pulisya.
Naglabas ng Department of Justice ng P2-milyon pabuya para madakip si Bantag.
Samantala, noong July 2024, binaliktad ng Court of Appeals ang pagkakaabsuwelto ni Dumlao sa 2016 kidnapping at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo, at sa halip, hinatulan siya ng reclusion perpetua.
May P1-milyong pabuya naman sa ikadarakip ni Dumlao.
Ibinahagi ni Remulla ang update matapos ang command conference kasama ang Philippine National Police noong Linggo, at nagpahayag siya ng pagkadismaya sa mabagal na pag-aresto sa mga wanted sa high-profile cases.
“Medyo binoldyak ko na yung mga pulis natin. Sabi ko, 200,000 kayo, alangan naman di n’yo kayang hanapin tatlong tao lang, di ba? Galingan n’yo na,” ani Remulla.— Joviland Rita/FRJ GMA News

