
Isa sa mga inaabangang tagpo ng Encantadiks at Kapuso viewers sa Encantadia Chronicles: Sang'gre ngayong linggo ang matinding labanan nina Sang'gre Pirena (Glaiza de Castro) at Mitena (Rhian Ramos).
Nitong Lunes (April 20), sinalakay na ng hukbo ni Gargan (Tom Rodriguez) ang Kaharian ng Hathoria at Adamya. Upang ipagtanggol ang kanilang lupain, muling matapang na hinarap ni Pirena ang masamang dating Kera.
Marami ang na-excite sa inaabangang sagupaan ng dalawa at hinangaan ang kanilang action stunts. May ilan pa ngang nainis kay Mitena sa kanyang kasamaan kay Pirena.
Ngunit sa likod ng kamera, tila may ibang kuwento ang nangyari sa dalawang stars.
Sa social media, ibinahagi ni Rhian ang nakakatawang stunt practice nila ni Glaiza. Suot ang kanilang warrior costumes, game na sinubukan ng dalawa ang kanilang blockings at stunts para sa nasabing fight scene.
Ngunit sa gitna ng ensayo, biglang kumindat si Mitena kay Pirena! Kaagad namang ikinatawa nito ng Sang'gre na tila kinilig pa sa kanyang kalaban.
"❄️ vs 🔥 So sino ang natunaw? Not the ice, noh? ❄️" ani Rhian sa captions.
Dagdag pa sa kanilang kulitan, kinonekta pa ng aktres ang moment na ito sa kanilang bagong Girls' Love (GL) movie.
"I Fell Fight, It's Fine," biro ni Rhian.
Kaagad namang pinusuan ng fans ang nakakatuwang post. Marami ang kinilig sa kanilang chemistry off-cam.
"Ito 'yon asar na asar tayo, tapos sila nagtatawanan lang," komento ng isang fan.
"Bkt nman kc gnun my ksmang kindat😂ntunaw tuloy yung apoy😂😂😂😍," dagdag ng isa pa.
Sa pagpapatuloy ng digmaan sa Encantadia, gagawin ng mga Sang'gre ang lahat upang makaganti at pigilan ang lumalakas na puwersa ni Gargan.
Samantala, lalo pang magiging mapanganib ang hukbo ng Bathala matapos nitong bigyan ng bagong basbas sina Mitena at Zaur (Gabby Eigenmann).
Huwag palampasin ang mga kaabang-abang na tagpong ito sa Encantadia Chronicles: Sang'gre, 8:00 p.m. sa GMA Prime at 9:45 p.m. sa GTV.
Mapapanood din ito online via Kapuso Stream sa official Facebook account at YouTube ng GMA Network. Maaari ring panoorin ang full episodes sa GMANetwork.com/Sanggre.
Samantala, silipin ang iba pang behind-the-scenes photos ng Encantadia Chronicles: Sang'gre cast, dito: