Showbiz News

Bea Alonzo spills Dominic Roque's endearing traits; says the moment was right to reveal their relationship

By Bong Godinez

Marami ang kinilig nang aminin na finally nina nina Bea Alonzo at Dominic Roque ang kanilang relasyon.

Naganap ang rebelasyon noong US trip ni Bea matapos lumabas ang mga video at larawan na nagpapakita na masayang magkasama ang dalawa na ini-enjoy ang iba't ibang lokasyon sa California.

Sa ekslusibong panayam ng GMANetwork.com kay Bea ngayong araw (August 14), ay sinabi ng magaling na aktres na masaya siya sa naging reaksyon ng publiko sa pag-amin nila ni Dominic para tuldukan ang matagal na ring espekulasyon tungkol sa kanila.

“It wasn't planned at all. Ewan ko, parang I felt it was the right moment, or maybe because I was feeling it,” paliwanag ni Bea.

“Sa totoo lang, nung birthday niya [Dominic], unang-unang post na lumabas kasi nasa [Instagram] Stories niya.

“Kasi nagsu-Story siya, obviously hindi niya ako pinapakita kasi nga hindi naman kami ganun. I just grabbed his phone and I started recording and posted it.

“So may mga ganung moments na, 'I-share ko kaya 'to? This is such a precious moment.' Then parang nagtuluy-tuloy na lang from there.”

Dagdag pa ni Bea, “I'm just happy na maraming kinikilig. I mean, anything that would make another person's life lighter, why not 'di ba? Bakit mo naman hindi ibibigay?

“I'm just happy na maganda 'yong pagtanggap nila.”

Pero ano nga ba ang mga katangian ni Dominic na nagustuhan ni Bea dahilan para sagutin niya ang binata?

“He's very caring. He really takes care of me, hindi nga ako sanay, e,” natatawang sagot ni Bea.

“Sobrang inaalagan niya ko because it's really his love language, service.

“So talagang 'pag kumakain kami talagang pinagsisilbihan ka and then the things na hindi ko iniisip na kailangan ko, biglang oorderin niya online para lang mas mapagaan ang buhay ko - all those things.”

Isa pang karakter ni Dominic na nagustuhan ni Bea ay ang pagiging honest at totoo nito.

“Kasi matagal na kaming magkaibigan before nag-turn into something romantic. As in years, years pa magkaibigan na talaga kami and alam ko na talagang mabuting tao siya.

“I appreciate na never siyang nag-best foot forward. He's just really honest, which I appreciate very much.”

Pangatlong katangian na napansin ni Bea kay Dominic ay ang pagiging mapagmahal nito sa pamilya.

“He's very loving to his family. Makikita mo kasi, 'di ba sabi nga nila dun mo makikita ang pagkatao ng isang lalaki, the way he treats his mom, dad, his siblings, and even his relatives.

“He's very loving and alam ko na that's the authentic him.”

At sa mga gusto ulit makita sina Bea at Dominic na magkasama ay dapat nilang abangan ngayong gabi ang new episode ng vlog ni Bea sa YouTube tampok ang kanilang masayang US trip.

Samantala, balikan ang mga kilig moments nina Bea at Dominic sa gallery na ito.