
Ibinahagi ni Pokwang ang kanilang set-up ni Lee O'Brian bilang magulang sa kanilang 4 year old daughter na si Malia.
Kamakailan lang ay inamin ni Pokwang na naghiwalay na sila ni Lee pitong buwan na ang nakakaraan. Sa Updated With Nelson Canlas ay inilahad naman ng TiktoClock host kung paano nila hinaharap ang pagiging magulang sa kanilang anak.
Photo source: itspokwang27
Ani Pokwang, "Anytime welcome siya dito sa bahay. Mas nagagampanan nga namin 'yong pagiging magulang namin kay Malia, mas naging magaan ang lahat."
Paliwanag ni Pokwang, mas gusto nilang hindi nakikita ni Malia ang kanilang pagtatalo.
"Ayokong nakikita ng bata na paggising pa lang na minsan nagsisigawan na kayo. Ang pangit 'di ba nakikita ng bata 'yong gano'n."
Dagdag pa niya, mas maayos sila ni Lee ngayon bilang magkaibigan.
"Now mas kumalma kami, mas ano mas maganda 'yong-- kumbaga mas naging mature 'yong pagsasama namin na bilang magkaibigan. Ang ganda, ang ganda pala. Pwede naman pala."
Dahil sa kanilang desisyon na maging magkaibigan ay naging mas maganda na rin ang kanilang co-parent setup para kay Malia.
"Posible naman pala 'yon kahit wala na kayong relasyon, wala na kayo, masaya pa rin. In fact every weekend magkakasama kami, namamasyal, kumakain sa labas."
Kapag busy raw sa taping si Pokwang ay naka-focus si Lee sa pag-aalaga sa kanilang anak. Pag-amin ni Pokwang ay bukas ang kanyang tahanan para kay Lee.
"Co-parenting kami kay Malia, tapos 'pag mahaba 'yong taping ko, let's say 3-4 days straight wala ako dito sa bahay, dito siya, siya nag-aalaga sa bata."
Pagbabahagi pa ni Pokwang, hindi naman siya nahihirapan sa kanilang setup na kailangan pa rin nilang magkita ni Lee kahit na naghiwalay na sila.
"Naging bahagi naman din siya ng buhay mo, naging masaya naman kayo no'ng time na nagsasama kayo and nabigyan naman tayo ng biyaya na 'yan si Malia na-- bakit kailangan pa nating pabigatin 'di ba. E di pwede naman tayong maging magkaibigan, pwede naman pala 'di ba."
Narito ang kabuuang interview ni Pokwang sa Updated With Nelson Canlas.