Showbiz News

Vilma Santos, nag-alala para kay Nora Aunor

By Nherz Almo

Itinuturing mang matinding magkatunggali sa harap ng kamera, mabuting magkaibigan naman sina Star for All Season Vilma Santos at Superstar Nora Aunor sa likod ng kamera.

Kaya naman nabahala raw si Vilma, o mas kilala bilang Ate Vi sa showbiz, nang malaman niya ang naging kalagayan ng kanyang kakontemporaryong aktres.

Matatandaan na sa Fast Talk With Boy Abunda, inamin ng National Artist na si Nora na tatlong minuto siyang nawalan ng buhay nang maospital noong nakaraang taon.

“Definitely, I don't feel good,” pahayag ni Vilma nang matanong tungkol sa rebelasyon ng kapwa niya batikang aktres.

“I mean, she's still a friend. There was a time na paplanuhin kong dumalaw just to check on her. Pero I think she's getting better and I'm happy for that. Sa totoo lang, I prayed for her.”

At nang sabihing nasa mabuting kalagayan na ngayon si Nora, agad na sinabi ni Vilma, “Thank God!”

Muli pa niyang inilahad, “Kahit sabihin mong may rivalry, naging kumare ko rin siya. And sincerely, I really did pray for her.”

Nakausap siya ng GMANetwork.com at iba pang entertainment media sa launch ng bagong partnership nila ng motorcycle taxi na Angkas noong Lunes, February 27.

Balikan ang panayam ni Nora sa Fast Talk With Boy Abunda rito:

Samantala, sa parehong event, kinumusta rin ng entertainment reporters si Vilma matapos ang madamdaming panayam niya sa Fast Talk With Boy Abunda.

Matatandaan na nang mag-guest ito sa programa, hindi napigilan ni Ate Vi ang maiyak habang ipinagtatanggol ang anak niyang si Luis Manzano. Nadadawit kasi ang pangalan ng TV host-actor sa isyu ng scam.

Sabi ni Ate Vi tungkol sa pagiging emosyunal niya, “Tao pa rin ako, you know, dumaraan pa rin yung sometimes you are weak emotionally. Medyo natitiyempo lang yung mga ganung pagkakataon, when you're yung weak emotionally.”

Dagdag pa niya, hindi niya ikinahihiya ang umiyak sa national TV lalo pa't isa siyang public personality.

“Kilala naman ako ng mga tao, e. There are some instances na hindi mo makontrol what [you] feel inside. I don't mind sharing it sa mga tao kasi pamilya ko na ang mga tao, 60 years is no joke. So, kung nase-share ko how I feel, I really don't mind. Kung naiyak ako, e, di iiyak ako sa harapan nila because I'm feeling bad.”

Samantala, tikom na ang bibig ni Ate Vi sa isyu dahil nasa legal na proseso na ito. Gayunman, sinigurado niya na nasa mabuting kalagayan ang kanyang anak na si Luis.

“He's okay. So far, everything seems to be okay. But nasa lawyers na niya 'yon,” pagtatapos niya.

Balikan ang panayam ni Boy Abunda kay Vilma Santos dito: