TV

Nora Aunor sa totoong himala sa kanyang buhay: 'Namatay na ako [sa loob] ng three minutes'

By Jimboy Napoles

Ibinahagi ni Superstar Nora Aunor sa Fast Talk with Boy Abunda na nagkaroon na rin siya ng totoong himala sa buhay noong muli siyang nabuhay matapos mamatay sa loob ng tatlong minuto.

Sa episode ng naturang programa ngayong Lunes, February 20, tinanong ng King of Talk na si Boy Abunda kung ano ang totoong himala na nangyari sa kanyang buhay.

Dito ibinahagi ng National Artist at award-winning actress na si Nora na namatay na siya loob ng tatlong minuto nito lamang 2022 nang siya ay magkasakit.

Kuwento niya, “Hindi ko alam kung puwede kong sabihin, kasi, namatay na ako ng three minutes. Itong mga nakaraan lang, ewan ko, ngayon ko lang sasabihin ito. Kasi ang nangyari noon, 'di ba noong nagkakasakit ako, lalabas ako ng gabi [sa ospital], madaling araw dadalhin na naman ako [pabalik] sa ospital.

“So may insidente na sabi ko [sa kasama ko], 'halika na, kasi bumababa na ang oxygen sa katawan ko.' So takbo na naman [kami] sa ospital. [Pagpunta namin] sa ospital, sabi ko, 'Oxygen lang po ang kailangan ko.' Ang nangyari, hindi ko alam, walang tumulong [sa akin]. Hindi minadali na lagyan ako ng oxygen. Ang nangyari, humiga ako, pagkahiga ko [nawalan na ako ng malay]. Pagkagising ko, nandoon na ako [sa] ICU.”

Pahayag pa ni Nora, sinabihan na lamang siya ng mga staff sa ospital na tatlong minuto na siyang patay bago siya ipasok sa ICU ngunit nagawa siyang ma-revive.

Aniya, “Ang sabi nga sa akin, ang suwerte mo mahal ka ng Diyos. Sabi niya, kasi binalik ka uli. Siguro ang misyon mo, hindi pa tapos. Meron [ka] pang dapat na gawin sa mundo. 'Yun lang ang laging sinasabi sa akin ng mga kaibigan ko.”

Pero ayon kay Nora, hindi ito ang unang beses na nagkaroon ng himala sa kanyang buhay. Dahil dalawang beses na rin siyang nakaranas ng hindi maipaliwanag na milagro nang malagay rin sa alanganin ang kanyang buhay.

Isa na rito ay noong ginagawa nila ang dekalibreng pelikula na Himala na idinirehe ni Ishmael Bernal.

Ayon sa batikang aktres, nabunggo ang minamaneho niyang kotse nang magkamali siya ng pinasukang lane. Inisip umano ng mga kasamahan niya sa pelikula na namatay na siya.

Aniya, “Nagdasal na sila kasi sabi nila, 'yun nga, baka patay na ako, kasi 'yung tsinelas kung saan-saan napunta. Ang maganda po nito, noong naaksidente ako, ang narinig ko lang 'boss', [na sinabi ng] kasama ko. Pagkatapos noon, wala na akong narinig.”

Dahil sa aksidente, ilang oras din nawalan ng malay si Nora, ngunit naging mapalad pa rin siya dahil hindi naging malubha ang natamo niyang injury.

Pahayag niya, “Ang nangyari pala, 'yung salamin sa harapan, natanggal 'yon sa sasakyan, pero buo. Hindi nabasag. 'Yung manibela naman imbes na tamaan ako sa dibdib, lumihis 'yon sa akin. So wala talaga, wala akong naramdamang sakit. Ang naramdaman ko lang 'yung nauntog ang ulo ko doon sa may bintana.”

Ang ikatlong himala na itinuturing ni Nora ay ay noong nalampasan niya ang pagkawala ng kaniyang boses.

Aniya,”Nawala ang boses ko. [Tatlong] araw po ako noon na wala [talagang boses]. Kung anu-ano na ang panaginip ko. Tatlong araw akong hindi nagising. Paggising ko, sigaw ako nang sigaw, wala akong marinig na boses sa akin.”

Matatandan na naging kontrobersyal noon ang pagkawala ng boses ni Nora dahil 'di umano sa isang operasyon na nangyari sa Japan. Emosyonal itong ibinalita noon ng Superstar lalo pa't kilala siya ng marami niyang tagahanga dahil sa kanyang magandang boses.

Dagdag pa niya, “May mga insidente na puwedeng sisihin, may mga insidente na may mga taong dapat -- pero ayaw ko nang magsalita, kasi andoon na e, magsalita ka man nang magsalita wala na rin namang mangyayari.”

Dahil sa kanyang rebelasyon na ito, tinanong naman siya ni Boy kung ano ang mga kinatakutan niya noong nawala ang kaniyang boses.

Agad naman niya itong sinagot, “Marami po akong kinatakutan noon e. Unang-una 'yong buhay ko, paano na. Pangalawa 'yun lang ang inaasahan ko -- inaasahan ng mga tao na makakakanta ako. Ang iniisip ko na lang po na binibigay 'yon ng Diyos dahil sa mayroong mga nagiging kapalit. Pero ang tagal na hanggang ngayon, di pa ako nakakakanta.”

Nagsimula ang karera noon ni Nora bilang isang mang-aawit. Sinimulan niya ito sa mga malilit na singing competitions hanggang sa tanghalin siyang kampeon sa Tawag ng Tanghalan noong 1967.

Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.