
Abala ngayon sa pagte-taping ang ilang aktor na kabilang sa cast ng upcoming suspense drama na Akusada.
Kabilang dito ang Filipino singer at Sparkle star na si Ronnie Liang at ang aktor na si Ahron Villena.
Related gallery: Cast ng Akusada, nagkita-kita sa story conference
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com sa kanila, nagpahapyaw sila tungkol sa kanilang mga karakter sa bagong serye ng GMA.
Ayon kay Ronnie, makikilala siya sa palabas bilang si Damian.
“Ako po si Damian dito sa Akusada. Iyon 'yung character ko, ako po rito ay isang tahong farmer,” pagbabahagi ni Ronnie.
Paglalarawan naman ni Ahron tungkol sa kanyang karakter, “Ang role ko po ay si Gian. Ako po ay kaibigan, pero hindi lang basta kaibigan ng role ni Lianne Valentin.”
Samantala, mapapanood bilang bida sa suspense drama ang Kapuso actress na si Andrea Torres.
Kabilang din sa star-studded cast nito sina Benjamin Alves, Lianne Valentin, Marco Masa, Ashley Sarmiento, at marami pang iba.
Abangan ang pagsisimula ng Akusada, ngayong 2025 na, sa GMA Afternoon Prime.