
Ibinahagi ng content creator at entrepreneur na si Rosmarie Tan-Pamulaklakin, na mas kilala bilang Rosmar, ang nakalulungkot na balita ng kaniyang miscarriage ng ikaapat na anak nila ng asawang si Jerome Pamulaklakin.
Sa isang TikTok post, nagbahagi si Rosmar ng mga larawan na nagpapakita ng kanilang pagtungo sa doktor para sa isang ultrasound appointment.
Habang nasa klinika, malungkot na ibinalita ng doktor na wala nang ma-detect na tibok ng puso ang fetus sa sinapupunan ng content creator at tumigil na ang paglaki nito sa ikaanim na linggo, bagay na labis na ikinalungkot ng mag-asawa.
Aniya, ang araw ng pagkaalam sa pagkawala ng baby ay ang araw din sana kung kailan kukuhanan siya ng dugo upang malaman ang kasarian nito.
“Today was supposed to be the day of my ultrasound to hear your heartbeat, but instead, I found out you were gone. You stopped growing at six weeks. Today was also supposed to be when they drew my blood to find out your gender so we'd know in three weeks. I guess it's just not the right time for me to be a mom of four,” pahayag ni Rosmar.
Sa isa sa mga larawang ibinahagi, ipinakita ang resulta ng ultrasound kalakip ang mensahe ng pagmamahal para sa kaniyang nawalang anak:
“You were only here for a moment, but you will stay in my heart forever.”
Ibinahagi rin ng content creator ang kaniyang kalungkutan sa pamamagitan ng isang larawan kung saan makikitang nasa loob siya ng banyo dahil hindi na niya napigilang umiyak.
“Tago muna sa CR, HAHAHA 'di pa masyado nag-sink in sa akin nung narinig kong 'WALA'. Walang heartbeat,” sulat ng content creator.
Sa kabila ng matinding dusa, ipinakita pa rin ni Rosmar ang kaniyang katatagan sa pamamagitan ng pag-comfort sa kaniyang asawang si Jerome.
Aniya, “Okay lang ako daddy ano ka ba, strong ang misis mo.”
Samantala, ibinahagi rin ni Rosmar sa Facebook na nagsimula na sana silang maghanda para sa pagdating ng baby at nagpaplano na rin ng isang gender reveal party na kinailangan nang ikansela.
“'Di n'yo alam kung gaano ako ka-excited sa gender reveal. Magpa-NIPT (non-invasive prenatal testing) sana ako today...Pero nonsense na kasi pag transV (transvaginal ultrasound) wala na. Wala nang sense na makita gender ni baby. Wala na,” dagdag pa niya.
Matapos ang kaniyang mga post, bumuhos ang pakikiramay, panalangin, at mga mensahe ng pagpapatatag mula sa kaniyang mga tagasuporta at netizens sa gitna ng pagdadalamhati ng kaniyang pamilya.
Related Gallery:Get to know multi-millionaire & TikTok star Rosmar