
Nakisaya at sinamahan ni Kapuso Primetime Action Hero na si Ruru Madrid ang kaniyang fans at mga manonood sa unang araw ng public screening ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival 2026, sa screening ng kaniyang film entry na pinamagatang Hand of God.
Sa isang post mula sa Sparkle GMA Artist Center, kitang-kita ang saya kay Ruru sa pagbubukas ng ika-22 taon ng naturang film festival noong Sabado, August 8 habang binibisita niya ang mga manonood at mga fans na taos-pusong sinusuportahan ang kaniyang pelikulang kalahok.
Kasama rin ng Kapuso actor ang kaniyang pinakamamahal na real-life partner na si Kapuso actress Bianca Umali na siyang todo-suporta sa kaniya at sinamahan siya na puntahan at sorpresahin ang kanilang mga minamahal na fans.
Kamakailan, nag-post si Ruru sa kaniyang Instagram ng isang madamdaming pagninilay sa naging karanasan niya sa paggawa ng kanilang pelikulang lahok sa Cinemalaya Film Festival ngayong taon.
Sa kaniyang post, inilarawan niya ang pagkabighani sa mas malalim pa niyang pagkakakilala sa Basilan na naging isa sa shoot locations ng pelikula.
“Minsan, may mga lugar na mas nakikilala mo sa mga kuwento ng ibang tao kaysa sa sarili mong karanasan. Ganito ko nakilala ang Basilan. Bago ako makarating dito, marami na akong narinig na kuwento. Pero sa pagdating namin, ibang kuwento ang natagpuan ko,” ani Ruru.
“Tahimik. Mapayapa. At puno ng mga taong handang magbukas ng kanilang tahanan at puso para sa mga bisita,” dagdag pa niya.
Ibinahagi pa ni Ruru ang kaniyang karanasan sa pakikisalamuha sa mga mamamayan sa lugar na aniya'y mga sumubaybay na sa kaniya sa panahong umeere pa ang kaniyang hit GMA Prime series na Lolong.
“Isa sa mga hindi ko makakalimutan ay ang mga taong lumapit para ikuwento na sinubaybayan nila ang Lolong mula umpisa hanggang dulo. At sa tuwing may kakausap sa akin ng Chavacano, para akong ibinabalik sa aking mga ugat sa Zamboanga,” aniya.
Inipahayag din ng aktor ang kaniyang malalim na koneksyon at pananaw sa kaniyang pagbisita sa lalawigan.
“Bilang isang Mindanawon, may kakaibang pakiramdam ng pagiging pamilyar. Parang malayo ka sa bahay, pero somehow, pakiramdam mo nasa tahanan ka pa rin,” pahayag ni Ruru.
Binigyang diin naman ni Ruru na ang tunay na kahulugan ng kaniyang paglalakbay ay ang mga taong kaniyang nakasalamuha.
“Ang babaunin ko sa biyahe na ito ay hindi lang ang mga tanawin at mga larawan. Kundi ang mga tao, mga kuwento, at mga simpleng sandaling nagpapaalala kung gaano kaganda maging Pilipino,” anang aktor.
Hindi rin nakalimutan ng aktor na pasalamatan ang mga taong bumubuo sa kaniyang pelikula na aniya'y siyang naging daan upang maiparating sila sa nasabing lugar.
“Maraming salamat din sa lahat ng bumubuo ng Hand of God, Slingshot Productions sa pagdala sa amin dito sa Basilan,” pahayag niya.
Ibinahagi ng Kapuso star ang kaniyang labis na pasasalamat sa mga pintuang binubuksan ng kaniyang propesyon at sa patuloy na gabay ng Maykapal.
“I am also grateful with my work dahil nakakarating ako sa mga lugar na hindi ko inakalang mapupuntahan ko, nakakakilala ng iba't ibang mga tao, at nakakakuha ng mga karanasang dadalhin ko habang-buhay. At higit sa lahat, salamat sa Diyos sa patuloy na paggabay at sa mga biyayang ito,” dugtong pa ng aktor.
Puno ng pagmamahal at pag-asa ang naging huling mensahe ng aktor: “Maraming salamat, Basilan. Salamat sa mga kuwento. Salamat sa init ng pagtanggap. At salamat sa pagpapaalala na napakarami pang bahagi ng Pilipinas ang dapat makita, makilala, at mahalin. Hanggang sa muli.”
Bukod kay Ruru, pinangungunahan din ang Hand of God ng powerhouse cast na kinabibilangan nina Iza Calzado, Ronnie Lazaro, Sue Ramirez, Jhong Hilario, Cholo Barretto, at KD Omalin.
Ang nasabing Cinemalaya 2026 entry ay mula sa pamamahala at panulat ng direktor na si Mark Duane Angos.
Mapapanood na ang mga kalahok na pelikula sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival simula Agosto 6 hanggang 18, 2026.
Related Gallery: Ruru Madrid, Pokwang, at iba pang Kapuso stars na bibida sa Cinemalaya 2026