
Naging madamdamin ang panayam ni Sanya Lopez sa programang Fast Talk with Boy Abunda nang mapag-usapan ang humble beginnings ng aktres bago siya sumikat.
Sa February 17 episode ng naturang programa, maluha-luhang binalikan ni Sanya ang hirap na kaniyang pinagdaanan sa buhay kasama ang kaniyang pamilya noon.
Nag-umpisa ito sa tanong ni Boy Abunda na, “Ano 'yung pinakamahirap na pinagdaanan n'yo as a family?”
Ayon kay Sanya, hindi nila alam na magkakapatid na ang kinagisnan pala nilang simpleng buhay ay mahirap na maituturing dahil kuntento na sila sa pagkain ng talbos at bagoong bilang kanilang ulam.
Kuwento niya, “Noong mga bata pa kami naranasan namin agad na a, mahirap pala 'yung buhay namin akala namin normal 'yun. 'Yung akala namin normal lang 'yung kumakain lang kayo ng talbos ng kamote 'yung nakukuha lang diyan sa labas tapos masaya na kami kasi may bagoong, 'yun ulam na namin 'yun.”
Bukod dito naranasan din nina Sanya at kapatid niyang si Jak Roberto na maghiwa-hiwalay upang sila ay makapag-aral.
Aniya, “Tapos hanggang sa napapansin ko na habang lumalaki kami naghihiwa-hiwalay na rin kami. Ako nasa Laguna, kuya ko nasa Bulacan, si mommy nasa Maynila nagtatrabaho.”
Gaya rin ng karamihan, ibinahagi rin ni Sanya na naranasan din nilang mangutang noon upang may makain.
“Tapos may mga time din na wala pala kaming pangkain tapos uutang na lang ganun, parang ganun 'yung nangyayari sa amin akala namin normal 'yun Tito Boy,” ani Sanya.
Nang unti-unting nakakaraos, dito na napagtanto ni Sanya na puwede pang gumanda ang kanilang buhay kumpara sa simpleng buhay na nakagisnan.
Paglalahad niya, “Hanggang ang nangyari na napasok namin' yung ganito na, 'A, meron pa palang ganitong buhay,' kasi masaya na kami nun Tito Boy e, parang 'yung simpleng bagay na kumakain kayo ng sabay-sabay, masaya na kayo na parang ang sarap-sarap ng pagkain n'yo na may tuyo sa umaga ganyan. Tapos 'yung bahay ninyo na kahit hindi naman ganun kaganda importante magkakasama kayo.”
Matapos ito, muling nagtanong ang host na si Boy, “Nung una kang kumita nang malaking halaga anong ginawa mo?”
“Shinare ko 'yun sa mommy ko tapos kumain kami sa isang fast food sabi ko, 'Ma, masarap pala 'to'
“Kasi usually kumakain lang kami sa fast food kapag birthday ko, kung sinong may birthday or kunwari graduation, paran 'yun 'yung treat namin sa isa't isa Tito Boy,” masayang sinabi ni Sanya.
Isa si Sanya sa mga artistang na-discover ng yumaong star builder na si German Moreno noong 2014.
Taong 2016 nang unang nabigyan ng malaking break si Sanya nang gampanan niya ang papel ni Sang'gre Danaya sa top-rating fantasy-drama na Encantadia.
Mas lalo pang umusbong ang karera ni Sanya nang maibigay sa kaniya ang title role ng seryeng First Yaya, na isa sa matagumpay na primetime series ng GMA noong 2021.
Ngayong 2023, muli namang mapapanood si Sanya sa primetime sa kaniyang bagong serye na Mga Lihim ni Urduja kung saan makakasama ang kaniyang mga co-lead stars sa Encantadia noong 2016 na sina Kylie Padilla at Gabbi Garcia.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
BALIKAN ANG CAREER HIGHLIGHTS NI SANYA LOPEZ SA GALLERY NA ITO: