
Malapit na ang pinakahihintay na kickoff concert ng Kings of P-pop na SB19 para sa Simula at Wakas World Tour!
Gaganapin ang two-day concert sa Philippine Arena sa May 31 at June 1, 2025.
Simula pa lang ng ticket selling ay ramdam na ang excitement ng A'TIN fans. Noong general ticket sale, na-sold out agad ang Day 1 tickets sa loob lamang ng ilang oras.
Sa kanilang panayam sa GMA morning show na Unang Hirit, binalikan nina SB19 members Josh at Ken ang kanilang reaksyon sa mabilisang pag-ubos ng tickets.
"It was unbelievable po kasi po we didn't think na it's possible," ani Ken. "Noong nakapag-decide kami na mag Philippine Arena po , we're a little bit confident but a little bit hesitant also kasi it's big."
Dagdag ni Josh, "Sobrang nagulat po kami and, siyempre, thankful po kami. Parang nandyan po nakasubaybay 'yung fans to support and, of course, 'yung mga parang listeners lang po namin talagang very curious sila."
Masaya rin ang grupo sa mainit na pagsalubong ng fans sa kanilang comeback.
"Siguro po kasi nandoon po 'yung sabik dahil medyo [matagal] na hindi kami nakagawa ng [extended play] for the past two years," paliwanag ni Josh. " 'Yung history na makagawa po together with our fans and listeners po namin, sobrang enough na po iyon talaga kaya naging ambitious po kami for Day 2."
Dahil sa nakita nilang mataas na demand, nagdesisyon ang SB19 na magdagdag ng isa pang concert date para sa kickoff ng kanilang world tour.
Aminado ang grupo na mas malaki at personal ang kanilang paghahanda ngayon, lalo na't may mas creative control na sila sa buong proyekto.
"We, SB19, love to surprise our fans so maybe makikita na lang nila 'pag dumating 'yung araw ng concert namin," hint ni Ken.
Ang world tour ay bahagi ng comeback project ng SB19 sa kanilang latest release na Simula at Wakas, na ikatlo at huling yugto ng kanilang EP trilogy.
Pinapakita ng Simula at Wakas ang evolution ng grupo bilang P-pop icons at indibidwal na artists. Mayroong pitong tracks ang EP, kabilang ang trending hit na “Dam” at ang dance craze na “DUNGKA!”
Pagkatapos ng concert sa Pilipinas, magpapatuloy ang world tour ng SB19 sa Taiwan, United States, Canada, Singapore, Middle East, Australia, Japan, at Hong Kong.
Samantala, balikan ang Simula at Wakas teaser photos ng SB19, dito: