
Sa isang eksklusibong panayam sa programang Fast Talk with Boy Abunda, ibinahagi ng Kapuso actor na si Sean Lucas ang kaniyang karanasan sa audition bilang host ng upcoming Kapuso original game show na The People Have Spoken.
Inamin ni Sean na binalot siya ng takot nang sumabak sa naturang audition, lalo pa't pumunta siya rito diretso mula sa kaniyang pagho-host sa morning show na Unang Hirit.
Ibinahagi pa niya na wala siyang inaasahang anuman, ngunit labis na nasabik nang malaman na makakasama niya sa proyekto ang global fashion icon at Kapuso actress na si Heart Evangelista.
“I was so scared, Tito Boy, I was really scared 'cause when I did the audition, I went straight from Unang Hirit,” pagbabalik-tanaw ni Sean.
“I was there, I did the show that morning and then I went there. I wasn't really expecting anything and I was like, 'My god! This is a show with The Heart Evangelista!',” dagdag pa niya.
Ikinuwento rin ng aktor na tila dumaan siya sa butas ng karayom dahil sa dami ng mga dumalo sa audition na nakamasid sa kaniya. Ngunit sa kabila ng kaba, ibinigay niya ang kaniyang buong potensyal at ipinakita ang kaniyang tunay na sarili.
“At ang dami namin do'n sa room, sobrang dami namin. So, I went there, I just tried to do my best. When I got inside, I just tried to show them na parang ito ako, ipinakita ko lang 'yung sarili ko and then after that, I just hoped for the best,” aniya.
Inilarawan pa ni Sean na tila rollercoaster ng emosyon ang kaniyang naramdaman nang sumalang sa screening: “I was so scared, I am so nervous, I'm so excited. It's a mix of things.”
Sa kabilang banda, ibinahagi rin ni Heart Evangelista kung gaano siya kasabik sa kaniyang kauna-unahang pagkakataon na mag-host ng isang game show. Ayon sa aktres, mas makikita at makikilala ng publiko ang tunay niyang pagkatao sa likod ng kaniyang pagiging isang global fashion icon.
Pahayag pa ng Kapuso actress na tila may kapangyarihan ang naturang programa na pagbuklurin ang mga tao sa kabila ng kanilang mga pagkakaiba o hindi pagkakaunawaan.
“I'm excited! Though medyo malikot naman akong tao, it's a side that people don't really see of me. Madaldal ako; lagi kasi kapag sa fashion, emote-emote—it's a character, 'di ba, na we play? But here, I think it's more of myself. Sabi ko nga, I think it is a show na p'wede mo i-invite ang mga basher mo tapos in the end, mag-iinuman na lang kayo matapos kasi p'wede pala kayo maging friends,” masayang pahayag ni Heart.
“It's really the misunderstanding of people that creates that gap, and in this show, we can all be in one room and actually be friends after,” dagdag pa niya.
Samantala, mapapanood sina Heart at Sean sa newest Kapuso original game show na The People Have Spoken, tuwing Sabado, simula June 6, 6:15 p.m. sa GMA.
Related Gallery: Sean Lucas, inaming celebrity crush si Heart Evangelista