
Maraming netizens na ang nakakakilala sa viral na orange na pinangalanang "Sharmaine."
Sa nakakatuwang skits ng Pinoy content creator na si BAET, ipinakilala si Sharmaine bilang isa sa mga prutas na nais baguhin ang kanilang mga pangalan. Sa kuwento, umabot pa umano sa pagpa-notaryo ang naturang orange upang opisyal na mapalitan ang kanyang pangalan.
Ang viral na serye ng comedy skits ay agad na umani ng mahigit isang milyong views sa TikTok at sa ibang social media platforms.
Ngunit sa gitna ng kasikatan ng karakter, tila may reaksyon ang tunay na Sharmaine sa trending na prutas.
Nitong Huwebes (June 4), masayang nakipagkuwentuhan sa Unang Hirit ang Pinay aktres na si Sharmaine Arnaiz.
Pagpasok pa lamang sa studio, ikinuwento agad ni Sharmaine ang kanyang naging reaksyon nang una niyang marinig ang tungkol sa viral na orange.
"Ang daming nag-message sa akin, may mga nag-forward," aniya. "Noong una, naguluhan ako. Ano bang nangyayari? Bakit naging Sharmaine 'yung orange? Natakot ako. Sabi ko 'Ano kaya nangyayari?' 'Yun pala gusto lang nila ipangalan ang Sharmaine sa orange."
"Pinayagan mo naman," hirit na tanong ni Arnold Clavio.
"I don't have the rights, e," pabirong sagot ni Sharmaine.
Natawa na lamang ang aktres nang tanungin kung ano ang kanyang mensahe para kay prutas Sharmaine.
"I am speechless. I don't really know what to say," sabi niya.
"Sige, papayag ako na gagawing Sharmaine 'yung orange. Pero dapat Orange Arnaiz na rin 'yung pangalan ko. From now on, I will be called Orange Arnaiz."
Ngunit marami ring nagulat nang may inamin si Sharmaine tungkol sa prutas.
"Sa totoo lang allergic ako sa orange. Lahat ng mga citrus, allergic ako 'pag nakain lang," inamin niya.
Bilang tribute kay Sharmaine, sumabak din sa UH Kusina ang aktres upang ihanda ang kanyang special na Orange Chicken Adobo.
Maliban kay Sharmaine, naging usap-usapan din ang iba pang mga karakter sa serye ng skits, kabilang sina Melanie (avocado) at Vanessa (langaw) na nais ding baguhin ang kanilang mga pangalan.
Samantala, abala ngayon si Sharmaine Arnaiz sa pag-aalaga sa kanyang pamilya.
Napanood ang aktres sa mga serye at pelikula, kabilang ang Born to Shine (2026), Magpakailanman (2026), Maka (2025), Love Before Sunrise (2023), at marami pang iba.
Kilalanin ang mga grupong content creators sa gallery na ito: