
Ngayong Valentine's Day isang puso sa pusong usapan ang pagsasaluhan ng King of Talk Boy Abunda at ng nag-iisang Star for All Seasons na si Vilma Santos sa Fast Talk with Boy Abunda.
Ano kaya ang pag-uusapan ng magkaibigan? Ito kaya ay sa pagbabalik pelikula at telebisyon ni Ate Vi? O ang pagiging lola sa kanyang apo sa anak nina Luis Manzano at Jessy Mendiola?
Bukod naman sa kaniyang panayam kay Tito Boy, magbibigay din ng love advice si Ate Vi para sa mga Kapusong may pinagdaraanan sa pag-ibig.
Samantala, matatandaan na una nang sinabi ni Tito Boy sa kanyang mga nagdaang press conference na magkakaroon siya ng panayam kasama si Vilma para sa kanyang 60th anniversary sa show business.
Ayon sa batikang host na si Boy, bagamat maraming beses niya na ring nakapanayam si Vilma, ramdam pa rin niya ang excitement sa muling pag-uusap nila ng award-winning actress na matagal na ring hindi napapanood sa telebisyon at pelikula.
"I am doing a Vilma Santos interview. I've done Vi many times but this one is different, 'di ba? Parang looking back at her body of work in the last 60 years," ani Boy sa nasabing press conference kamakailan.
Abangan ang kanilang exciting interview sa Fast Talk with Boy Abunda, ngayong Martes, 4:50 p.m. sa GMA Afternoon Prime.