
Mahigit sa limang dekada nang nagseserbisyo ang isang punerarya sa Bulacan na negosyo ng pamilya De Guzman. Taong 1971 nang simulan itong itayo ni Norma Villarin-De Guzman kasama ang kanyang asawang si Cesar De Guzman.
Makalipas ang ilang taon, unti-unti na nila itong napalago hanggang sa makilala sa kanilang lugar.
Ang pagseserbisyo raw sa mga patay at pagbibigay ng maayos na libing para sa mga yumao ang naging hanap-buhay ng kanilang pamilya sa maraming taon.
Kwento ng may-ari ng funeral home na si Norma, hindi raw naging madali ang pagpapalago ng kanilang negosyo dahil maliit lang naman daw ang kita noon sa kanilang pagseserbisyo.
"Sa serbisyo po namin noon, eh bente pesos, hanggang sa naging PhP500, PhP800, ganun lang po ang [presyo] serbisyo noong araw," ani Norma.
Sa katunayan, ang kanilang ginagamit na sasakyan raw noon ay hindi sasakyan kundi kalabaw.
"Nagsimula sa kalabaw, tapos naging tric, tapos naging sasakyan na galing ng America," kwento ni Ferdinand De Guzman, isa sa limang anak ni Norma na nagpapatakbo rin ng negosyo.
Ayon pa kay Ferdinand, malaki raw ang respeto nila sa mga patay at sa mga kaanak nito na nagtitiwala sa kanilang serbisyo.
"We handled the remains with respect. Minsan kasi lito talaga ang isip ng mga namatayan. Hindi namin tine-take for granted ang ano [sitwasyon] nila," aniya.
Mula sa pag-eembalsamo ng patay at pag-aayos ng libing, nakapagtapos ng pag-aaral ang mga anak ni Norma at maging ang kaniyang mga apo.
Upang ipagpatuloy ang kanilang negosyo, kahit na tapos ng BS Nursing ang ilan sa kaniyang mga apo ay mas pinili ng mga ito na mas palaguin pa ang funeral homes ng kanilang pamilya.
"Hindi na po sila pumasok sa ospital, punerarya na po ang tinaguyod ng aking mga apo at mga anak," kwento ni Norma.
Ngayong pandemya, naging maingat din sila sa pagtanggap ng mga labi. Kinakailangan munang sumailalim sa swab test ang mga patay at siguruhing negatibo ito sa COVID-19 bago nila isalang sa embalsamo.
"Nagkaroon po kami ng kaba, dahil hindi naman natin alam kung paano tayo mahahawa" sabi ng isang embalsamador sa kanilang funeral homes.
Humina man daw ang kita sa kanilang funeral services ngayong pandemya, nagpatuloy naman daw ang kanilang crematory services ngayong pandemya.
"Focus namin ngayon sa cremation, pangkaraniwan doon lagi ang bagsak lalo kapag galing ng hospital. Nakalagay lagi sa death certificate ay Covid, so need to be cremated" paglalahad pa ni Ferdinand.
Sa ngayon, patuloy nilang pinapalago ang kanilang negosyo. Masakit man para sa kanila ang makitang may namamaalam sa isang pamilya, itinuturing na lamang nilanh pagtulong sa mga namatayan ang pagbibigay ng maayos na libing sa yumao nilang mahal sa buhay.
Samantala, silipin naman sa gallery na ito ang ilang sikat na celebrities na namaalam na ngayong taong 2021: